Dear Doc. Shane, Ako ay may isang anak na lalaki at siya ay 14 years old na. Napansin ko ang ilang pagbabago sa kanya mula sa boses at nagkakaroon na rin siya ng manipis na bigote. Ito na ba ang simula ng kanyang adolescence period? — Minerva
Sagot Ang panahon ng adolescence ay bahagi sa buhay ng tao. Sa puntong ito nagaganap ang pinakamalaki at pinakamabilis na mga pagbabago sa maraming aspeto ng pagkatao. Ang mga pagbabagong ito ay napakahalaga at tiyak na makaaapekto sa buhay ng bawat indibidwal at sa pakikitungo nito sa lipunan na kanyang ginagalawan. Gayundin, sa panahong ito, pinakamabilis na nahuhubog ang personalidad, kakayahan, kaalaman at pag-angkop sa mga kaganapang emosyunal.
![](https://static.wixstatic.com/media/a09711_a337c1835abd4fe7b5837fb616d3b6d2~mv2.jpg/v1/fill/w_800,h_530,al_c,q_85,enc_auto/a09711_a337c1835abd4fe7b5837fb616d3b6d2~mv2.jpg)
Walang espesipikong panahon kung kailan ito magaganap sa pagkatao ng bawat indibidwal. Ang panahon ng mga pagbabagong pisikal, emosyunal, seksuwal at iba pang aspeto ay naiiba-iba. Isa sa mga mahahalagang pagbabagong nagaganap sa adolescence period ay ang pag-iiba sa hubog ng pangangatawan ng indibidwal mula sa pagiging bata patungo sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga.
Narito ang mga pagbabagong-pisikal na maaari nilang maranasan:
Pagtubo ng mga buhok sa ilang bahagi ng katawan tulad ng kilikili at mukha, partikular sa kalalakihan at sa maseselang bahagi ng katawan sa parehong kasarian.
Mabilis na pagtangkad, paglapad ng mga balikat sa kalalakihan at balakang sa kababaihan.
Paglalim ng boses ng kalalakihan.
Paglaki ng dibdib ng kababaihan.
Pagsisimula ng menstrual cycle o buwanang dalaw sa kababaihan.
Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng pagtaas ng lebel ng hormones — testoserone sa mga lalaki at estrogen sa mga babae.