top of page
Search
Jeff Tumbado

LTFRB regional director, sibak sa extortion


Tuluyan nang sinibak sa puwesto ang pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Bicol Region dahil umano sa pagkakasangkot nito sa malawakang anomalya sa kanyang tanggapan, partikular ang extortion.

Nakilala ang nasibak na si Vladimir Custer Kahulugan, regional director sa Region 5.

Nabatid sa LTFRB na nitong Nobyembre 28 pa inaprubahan ng Malacañang at ng Department of Transportation (DOTr) ang relieved order kay Kahulugan base na rin sa rekomendasyon ng nabanggit na ahensiya na isinapubliko kahapon.

Ang aksiyon laban kay Kahulugan ay alinsunod sa katatapos na imbestigasyon ng LTFRB at DOTr sa umano’y ibat ibang katiwalian nito sa kanyang tanggapan, partikular ang pagka¬kasangkot nito sa malawakang pangingikil sa ilang kumpanya ng bus at operators ng UV Express sa nasasakupan nitong lugar.

Sa loob ng tatlong buwang imbestigasyon, dito lumalabas na kasabwat ni Kahulugan sa pangingikil ang ilan nitong mga tauhan mula sa enforcement team sa pangunguna umano ni Narciso Juntereal at mga miyembro na sina Robert Pacurib, Jose Pado at Eduardo Felix.

Ang grupo ni Juntereal ang siya umanong kumukuha ng buwanang proteksiyon mula sa mga operators ng UV Express at maging sa mga bus companies sa buong Bicol Region.

Ayon pa sa LTFRB, sangkot din si Kahulugan at grupo nito sa hulidap operations kung saan pinaghuhuhuli ng mga ito ang mga public utility vehicles at kalaunan ay pinakakawalan kapag nakapagbayad na ang may-ari.

Si Kahulugan din umano ang may pakana para itatag ang Bicol Inter-Agency Road Safety Operation (BIARSO) kasama ang ilang tiwaling miyembro ng PNP-Highway Patrol Group-Regional Office 5 bilang anti-colorum group na siyang ginagamit sa malawakang extortion.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page