Dear Chief Acosta, May bahay at lupa kami ng mga kapatid ko mula sa aming mga magulang. Naipangalan na ito sa aming magkakapatid sa iisang titulo bilang mga co-owners. Dahil nakapangalan sa aming lahat, gusto naming malaman kung paano ang hatian sa pagbabayad para sa mga gastusin sa pagpapanatili at pagpapaayos nito kasama na rin ang pagbabayad sa buwis nito? Salamat sa anumang magiging payo ninyo. — Mario
Dear Mario, Base sa Article 484 ng Civil Code, mayroong tinatawag na co-ownership o ang magkasamang pag-aari sa isang bagay ng higit sa isang tao. At ayon sa nabanggit mong sitwasyon na kayo ng iyong mga kapatid ay magkakasamang nagmamay-ari sa lupa at bahay na nakapangalan sa inyo sa iisang titulo, lumalabas na kayo ay co-owners sa inyong pag-aari. Dahil kayo ng iyong mga kapatid ay mga co-owners, ang batas tungkol sa mga obligasyon ng co-ownership ang masusunod kung saan itinatakda rito na:
“Article 485. The share of the co-owners, in the benefits as well as in the charges, shall be proportional to their respective interests. Any stipulation in a contract to the contrary shall be void.
The portions belonging to the co-owners in the co-ownership shall be presumed equal, unless the contrary is proved” (Civil Code of the Philippines).
Ayon sa nasabing batas, ang mga co-owners ay sama-samang makikinabang sa mga benepisyo at gastusin sa kanilang pag-aari na naaayon sa laki ng kanilang bahagi. At ang bawat bahagi ng mga co-owners ay ipinagpapalagay na pantay-pantay kung walang mapatutunayang napagkasunduan sa laki ng kanilang parte sa pag-aari.
Samakatwid, kung walang itinakdang laki sa bawat bahagi ninyo sa inyong lupa at bahay ay kinakailangan ninyong mga magkakapatid na pantay-pantay na tumanggap sa mga benepisyo at pantay-pantay din sa pagbigay ng kontribusyon para sa mga gastusin para sa inyong ari-arian.
Dagdag pa rito ay itinatakda rin ng batas sa co-ownership na ang bawat co-owner ay may karapatan na pagbayarin ang kapwa co-owner para sa kontribusyon sa mga gastusin sa pagpapanatili ng inyong ari-arian. (Article 488, Ibid.) Sa kabila nito, sinuman sa mga co-owners ay maaaring maabsuwelto sa pagbabayad ng kanyang bahagi sa obligasyon kung itatakwil niya ang kanyang bahagi sa ari-arian na katumbas ng halaga ng kanyang bayarin, maliban na lang kung ito ay makasasama sa kabuuan ng co-ownership.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.