Babawasan umano ng Senado ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd) at Department of Transportation (DOTr) dahil sa mga hindi nagamit ng mga alokasyon nito.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, ang DPWH, DepEd at DOTr ay tatlong pangunahing ahensiya ng gobyerno na may pinakamalaking hindi nagastos na pondo kaya kailangang ma-realign ang ilang mga pondo nito sa ibang programa ng gobyerno na nangangailangan ng pondo. “The top three na mga agencies na malalaki ‘yung unused appropriations, the usual, the DPWH, DepEd, DOTr,” ani Lacson.“Kapag tinignan naman natin ‘yung mga disbursement over obligations, nakakadismaya din kasi 36%, 39%, meaning ‘yung nilalabas nilang pera na pambayad, ganu’n lang kaliit kumpara sa kanilang obligasyon,” ani Lacson.
Aniya, napag-usapan ng mga kasamahan niya sa Senado na kaltasan ang mga naturang ahensiya at ilipat na lang sa ilang programa na nangangailangan ng alokasyon. “Napapag-usapan namin mga senador, may mga departamento, mga agencies na kailangan talagang kaltasan para mailipat doon sa mga mas mahahalaga na dapat pagkagastusan ng gobyerno,” ani Lacson.
Dagdag pa ni Lacson, ang pondong mababawas sa tatlong ahensiya ay gagamitin para mapondohan ang health at education, partikular sa Free Tuition Act na talagang kulang sa pondo.