Dear Doc. Shane, Last year, nagkaroon ng tubig sa baga ang tatay ko at ito ang kanyang ikinamatay. Nakakalungkot dahil kung naagapan at nagamot lang ito nang maaga, posibleng hindi siya namatay. Saan ba ito nakukuha? — Winz
Sagot Ang tubig sa baga o kilala sa tawag na pulmonary edema ay kondisyon na napupuno ng tubig ang baga ng tao. Ang katawan ng pasyenteng may tubig sa baga ay mahihirapang makakuha ng sapat na oxygen para mabuhay.
Ang pagkakaroon ng sakit sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng tubig sa baga. Kapag ang pasyente ay may problema sa puso, mahihirapan itong magbomba ng sapat na dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kapag may tubig ang baga, nagtatrabaho nang doble ang puso para makapagsuplay ng dugo sa buong katawan. Ito ay nakadaragdag ng hindi kinakailangang pressure sa mga maliliit na ugat sa baga. Para maibsan ang pressure, ang maliliit na ugat sa baga ay kailangang magpalabas ng tubig na naiipon sa baga.
Sa ordinaryong kalagayan, ang baga ang responsable sa pagkuha ng oxygen sa hangin na ating inihihinga at inihahalo ito sa ating dugo. Gayunman, kung ang baga ay may tubig, hindi nito magagawa ang normal na gawain nito. Sa kaso ng mga pasyenteng may tubig sa baga, ang buong katawan nila ay hindi nasusuplayan ng sapat na oxygen.
Narito ang ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon ng tubig sa baga:
Atake sa puso o ibang mga sakit sa puso
Pagkipot sa mga balbula ng puso
Biglaang pagtaas ng presyon ng dugo
Pagkakaroon ng pulmonya
Sakit sa bato
Sakit sa baga na dala ng impeksiyon
Matinding impeksiyon sa dugo o sepsis
Pamamaga ng lapay o pancreatitis
Pag-akyat sa napakataas na lugar
Paggamit at pag-abuso sa iligal na droga
Pagkakaroon ng matinding trauma
Nakamamatay na sugat mula sa aksidente
Pagkalunod
Narito ilan sa mga sintomas nito:
Kahirapan sa paghinga
Pag-ubo
Pagtunog ng baga kapag humihinga na para bang sumisipol
Pag-ubo ng dugo
Matinding pagpapawis
Pagbawas ng pagiging alerto
Pamamaga ng mga paa
Hindi normal na tibok ng puso
Kawalan ng kakayahang huminga
Pagkamatay ng ilang bahagi ng katawan dahil sa kakulangan ng oxygen
Ang pagkakaroon ng tubig sa baga ay seryosong kalagayan kaya nangangailangan ito ng agarang aksiyon. Sa malalang mga kalagayan, ang mga pasyenteng may tubig sa baga ay kailangang gamutin sa intensive care unit o ICU.
Narito ang mga paraan para maiwasan ito:
Pagkuha ng bakuna laban sa pulmonya.
Pagkuha ng bakuna laban sa trangkaso, lalo na kung may sakit sa puso o matanda na.
Ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot-pampaihi kung kagagaling pa lamang sa sakit na ito.
Regular na pagbisita sa doktor para sa check-up.
Paghinto sa paninigarilyo at paggamit ng droga.
Ugaliing mag-ehersisyo.
Kumain ng masusustansiyang pagkain.
Pagpapanatili ng tamang timbang.