top of page
Search

Mga sintomas na may tubig sa baga

Shane M. Ludovice, M.D

Dear Doc. Shane, Last year, nagkaroon ng tubig sa baga ang tatay ko at ito ang kanyang ikinamatay. Nakakalungkot dahil kung naagapan at nagamot lang ito nang maaga, posibleng hindi siya namatay. Saan ba ito nakukuha? — Winz

Sagot Ang tubig sa baga o kilala sa tawag na pulmonary edema ay kondisyon na napupuno ng tubig ang baga ng tao. Ang katawan ng pasyenteng may tubig sa baga ay mahihirapang makakuha ng sapat na oxygen para mabuhay.

Tubig sa baga

Ang pagkakaroon ng sakit sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng tubig sa baga. Kapag ang pasyente ay may problema sa puso, mahihirapan itong magbomba ng sapat na dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kapag may tubig ang baga, nagtatrabaho nang doble ang puso para makapagsuplay ng dugo sa buong katawan. Ito ay nakadaragdag ng hindi kinakailangang pressure sa mga maliliit na ugat sa baga. Para maibsan ang pressure, ang maliliit na ugat sa baga ay kailangang magpalabas ng tubig na naiipon sa baga.

Sa ordinaryong kalagayan, ang baga ang responsable sa pagkuha ng oxygen sa hangin na ating inihihinga at inihahalo ito sa ating dugo. Gayunman, kung ang baga ay may tubig, hindi nito magagawa ang normal na gawain nito. Sa kaso ng mga pasyenteng may tubig sa baga, ang buong katawan nila ay hindi nasusuplayan ng sapat na oxygen.

Narito ang ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon ng tubig sa baga:

  • Atake sa puso o ibang mga sakit sa puso

  • Pagkipot sa mga balbula ng puso

  • Biglaang pagtaas ng presyon ng dugo

  • Pagkakaroon ng pulmonya

  • Sakit sa bato

  • Sakit sa baga na dala ng impeksiyon

  • Matinding impeksiyon sa dugo o sepsis

  • Pamamaga ng lapay o pancreatitis

  • Pag-akyat sa napakataas na lugar

  • Paggamit at pag-abuso sa iligal na droga

  • Pagkakaroon ng matinding trauma

  • Nakamamatay na sugat mula sa aksidente

  • Pagkalunod

Narito ilan sa mga sintomas nito:

  • Kahirapan sa paghinga

  • Pag-ubo

  • Pagtunog ng baga kapag humihinga na para bang sumisipol

  • Pag-ubo ng dugo

  • Matinding pagpapawis

  • Pagbawas ng pagiging alerto

  • Pamamaga ng mga paa

  • Hindi normal na tibok ng puso

  • Kawalan ng kakayahang huminga

  • Pagkamatay ng ilang bahagi ng katawan dahil sa kakulangan ng oxygen

Ang pagkakaroon ng tubig sa baga ay seryosong kalagayan kaya nangangailangan ito ng agarang aksiyon. Sa malalang mga kalagayan, ang mga pasyenteng may tubig sa baga ay kailangang gamutin sa intensive care unit o ICU.

Narito ang mga paraan para maiwasan ito:

  • Pagkuha ng bakuna laban sa pulmonya.

  • Pagkuha ng bakuna laban sa trangkaso, lalo na kung may sakit sa puso o matanda na.

  • Ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot-pampaihi kung kagagaling pa lamang sa sakit na ito.

  • Regular na pagbisita sa doktor para sa check-up.

  • Paghinto sa paninigarilyo at paggamit ng droga.

  • Ugaliing mag-ehersisyo.

  • Kumain ng masusustansiyang pagkain.

  • Pagpapanatili ng tamang timbang.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page