top of page
Search
Eddie M. Paez, Jr.

Nagsusunog ng kilay sa ensayo ang chess pa-SEAG


Ilang araw na lang ang natitira at patuloy pa ring humahataw sa iba’t-ibang klase ng ensayo ang mga disipulo ng ahedres na sasandalan ng Pilipinas para makahakot ng mga medalya sa nalalapit na 2019 Southeast Asian Games.

Nasa Bucharest, Romania sa kasalukuyan ang 13-beses na Philippine chess king at Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr. at nakikipagbuno sa 29th FIDE World Seniors Chess Championships (WSCC).

Desidido si Antonio na magmarka sa kompetisyon na ito dahil sa kanyang mensahe sa social media bago sumabak sa kompetisyon. Aniya, ”Samahan ninyo ako sa pangarap hindi lamang para sa akin at sa pamilya, kundi para sa ating minamahal na bayan”.

Naging runner-up si Antonio, magdadala ng kulay ng Pilipinas sa SEAG standard chess noong huling ganapin ang WSCC 2017 at ngayon nga, pagkatapos ng apat na round na bakbakan ay makinang pa rin ang tsansa ng Pinoy (3.5 puntos) sa podium dahil kalahating puntos lang ang agwat sa kanya ng tumatrangkong si Romanian GM Vlaidslav Nevednichy (4.0 puntos)

Nang makapanayam ng BULGAR si International Master Paulo Bersamina, puspusan na rin ang ensayo sa SEAG. Kamakailan ay lumahok ito sa 2019 ASEAN Men’s Chess Championships sa Bac Giang, Vietnam at nagkampeon sa standard chess at sa blitz chess. Nakipagduwelo at nanaig kay IM Daniel Quizon sa paspasang ahedres.

“Mga 90% na po,” ani Bersamina nang tanungin siya tungkol sa antas ng kanyang kahandaan para sa SEA Games. Sa kabila nito, ipinahayag din ni Bersamina na mayroon pa siyang sasalihang torneo bago ang SEAG.

”May tournament po sa Nob. 18 to 27, national championships.” At humahataw pa rin hindi lang siya kundi ang iba pang kasapi ng Philippine chess team sa ensayo. “Mga 8+ hours po, meron kahit Linggo”, aniya bilang paglalarawan sa haba ng ensayong ginagawa araw-araw.

Kasama rin ng pambato ng bansa sa SEAG Rapid Chess ang iba pang woodpushers na sasandalan ng bansa sa biennial meet sa mga group practice sessions katulad ni Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page