Ikinuwento ni Matteo Guidicelli sa PUSH Bets Live ang kanyang paghahanda sa bagong pagbibidahang pelikula, ang Pedro Penduko.
“Two months ago nag-umpisa na ‘yung trainings namin with fight director and stunt coordinator/choreographer, si Coach Sonny Sison. So, nag-ensayo na kami ng FMA (Filipino Martial Arts), iba’t ibang street fighting... We tried to make it all comfortable and be ready for the shooting days mismo,” bungad ni Matteo.
Mula sa direktor na si Jason Paul Laxamana, magkakaroon ng modernong atake ang pagsasapelikula ng nasabing komiks character, at mananatili ang pinagmulang Visayan culture ni Pedro Penduko.
Naniniwala rin si Matteo sa kahalagahan ng muling pagbuhay sa mga orihinal na Pinoy komiks characters tulad ni Pedro Penduko at Darna.
“Films like these, Pedro Penduko, Darna, etc., all of these, just represent the Filipino culture and make us proud as a Filipino, that’s very important,” paliwanag niya.
Bagama’t malapit nang mag-umpisa ang syuting ng Pedro Penduko, inaabangan pa ang anunsiyo kung sinu-sino ang mga artistang makakasama ni Matteo sa nasabing pelikula na nakatakdang ipalabas sa susunod na taon.
Sino kaya ang magiging love interest ni Matteo? Puwede kayang mag-cameo appearance ang GF niyang si Sarah Geronimo sa Pedro Penduko?