top of page
Search
Gerard Arce

Fighting Maroons tutok ang isip vs. Ateneo sa finals

Makatunggali muli ang kanilang kapitbahay na Ateneo sa finals ang tatangkain ng University of the Philippines sa pagtutuos nila ng University of Santo Tomas ngayong hapon sa pagpapatuloy ng stepladder semifinals ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.

Nakatakdang magharap ang second seed at twice-to-beat Fighting Maroons at ang third seed Growling Tigers ganap na 4 p.m. kasunod ng unang stepladder semifinals match sa women’s division sa pagitan ng 4th seed Far Eastern University at 3rd seed Adamson ganap na ika-12:00 ng tanghali.

Nakamit ng UST ang pagkakataong makasagupa ang UP matapos nilang mamayani kontra FEU noong Miyerkules, 81-71 sa pagbubukas ng semis. Ayon sa mga manlalaro ng Tigers, mas matindi ang kagustuhan nilang manalo kontra Tamaraws kung kaya sila ang nagwagi sa dikdikang laro.

Ang naturang masidhi nilang determinasyon ang inaasahang muling gagamitin ng Tigers sa pagsagupa sa Maroons na kailangang dalawang beses nilang talunin upang makopo ang karapatang sagupain ang undefeated at reigning back-to-back titlist Ateneo de Manila sa finals.

Sigurado nang hindi basta magpaparaya na lang ang Maroons dahil tiyak na hindi ito papayag na mawalan ng saysay ang unang pagkakataon na pumasok sila ng semifinals na may twice-to-beat advantage.

Kahit dalawang ulit nilang ginapi ang UP noong eliminations, alam ng UST na hindi ito garantiya na muli silang mananaig sa pagkakataong ito. Inaasahang muling sisikapin ng tropa ni coach Aldin Ayo na makapaghanda silang mabuti para sa misyong maibalik muli sa kampeonato ang UST mula noong Season 78.

Sasandigan muli ni coach Bo Perasol sina Season 81 MVP Bright Akhuettie, graduating guard Jun Manzo, all around forward Kobe Paras at Ricci Rivero para mamuno sa target nilang ikalawang sunod na pagpasok sa kampeonato.

Para sa UST, pader naman tiyak na dapat tibagin ng Maroons sina Season MVP Soulemane Chabi Yo, Rookie of the Year Mark Nonoy, Renzo Subido, Brent Paraiso at CJ Cansino bago nila makamit ang panalo.

Mauuna rito, magtatapat ang Lady Tamaraws at Lady Falcons para sa karapatang makatunggali ang second seed at twice-to-beat UST Tigresses kung saan ang magwawagi ay magkakaroon ng tsansang makaharap ang reigning at 5 season undefeated champion National University Lady Bulldogs.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page