Tinamaan ng ligaw na bala ang anim na taong gulang na babae habang naglalaro sa tambakan ng lupa sa Muntinlupa City, kamakalawa.
Ginagamot sa Medical Center Muntinlupa ang biktimang si ‘Amelia’, ng Bgy. Alabang, dahil sa tama ng bala sa leeg mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Masusing imbestigasyon ang isinasagawa upang malaman ang pagkakakilanlan ng nagpaputok ng baril malapit sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.
Sa naantalang ulat ng Southern Police District, nangyari ang insidente alas-12:30 ng tanghali at nakarating ang report sa awtoridad bandang alas-9:00 ng gabi.
Batay sa imbestigasyon, dumating sa kanilang bahay ang biktima mula sa paglalaro sa tambakan ng lupa na malapit sa kanilang tirahan.
Ayon sa lolo ng bata na si Leonardo Ruy, 60, nag-iiyak ang apo at inirereklamo ang sobrang sakit ng leeg nito na patuloy sa pag-agos ng dugo.
Dali-daling dinala ng lolo ang kanyang apo sa pagamutan.
Ayon sa attending physician na si Dr. Winston Cristobal, lumabas sa resulta ng x-ray na may isang bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang nakabaon sa leeg ng biktima.