Dear Doc. Shane, Kapag nagkakasipon ako ay tumatagal ito nang isang linggo o higit pa. Ang nakababahala ay minsan, kapag sumisinga ako ay may kasamang dugo ang sipon ko. Normal ba na tumagal nang mahigit isang linggo ang sipon o may kaugnayan na ito sa ibang sakit? — Daniel
Sagot Ang sipon ay pangkaraniwang sakit ng tao. Wala itong pinipiling edad dahil bata o matanda ay puwedeng magkaroon nito. Ito rin ang pangunahing sintomas sa pagkakaroon ng ubo at lagnat.
Ang sipon ay karaniwang dulot ng iba’t ibang uri ng virus, allergy at pagbabagu-bago ng panahon. May mga kaso ng simpleng sipon na kusang nawawala kahit hindi dumaan sa gamutan. Ngunit, ang pabalik-balik o pangmatagalang pagkakaroon nito ay maaaring sintomas ng seryosong sakit.
Alamin natin ang iba’t ibang sanhi ng sipon na may kasamang dugo:
Tuberculosis o TB. Ang pag-ubo at paglabas ng plema o sipon na may kasamang dugo ay isa sa mga pangunahing sintomas ng TB. Nangyayari ang pagkakaroon ng dugo sa plema dahil sa tuluy-tuloy na pag-ubo. Dahil dito, nagagasgas ang lalamunan na sanhi ng pagdurugo.
Respiratory Tract Infection. Kapag infected ang respiratory, nagiging sanhi ito ng sipon, walang tigil na pag-ubo at dugo sa plema.
Sinusitis. Ito ay maaaring sanhi ng bacterial o viral infection. Kapag ang unahang parte ng sinus ay nagkaroon ng pamumuo ng mucus o sipon, ito ay madaling tirahan ng bakterya at mikrobyo. Maraming uri ang sinusitis at kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng lalamunan, ubo at sipon na may kasamang dugo.
Sugat sa loob ng ilong. Ito ang pinakasimpleng sanhi ng pagkakaroon ng dugo sa sipon. Dahil sa matagal na pagkakaroon ng sipon ay nagiging malambot ang balat sa loob ng ilong at madali itong masugatan. Sumasama ang dugo sa sipon sa tuwing sumisinga o bumabahing ang pasyente.
Paano maiiwasan ang sipon na may kasamang dugo?
Uminom ng maraming tubig. Malaking bagay kapag napapanatiling hydrated ang katawan dahil napalalakas nito ang ating immune system. At kapag malakas ang immune system, hindi tayo basta dinarapuan ng sakit tulad ng sipon, ubo at lagnat.
Iwasan ang paninigarilyo. Bukod sa nagdudulot ito ng pangmatagalang ubo at sipon, nagiging sanhi rin ito ng pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng kanser tulad ng kanser sa lalamunan at iba pa.
Uminom ng vitamins. Ang pag-inom ng vitamins, partikular ang Vitamin C ay nakatutulong sa pagpapalakas ng immune system.
Kumain ng prutas at maraming gulay. Isa pang mahusay na pampalakas ng immune system ay ang pagkain ng mga masusustansiyang pagkain.
Wastong ehersisyo. Ugaliin ang pag-eehersisyo araw-araw upang maging malakas at masigla ang katawan. Malaki ang ambag ng wastong ehersisyo upang palakasin ang immune system ng katawan.
Maging malinis sa katawan. Ang sipon ay sanhi ng bakterya at madali itong kumapit sa maruruming bagay. Kapag malinis ang katawan, mahihirapan makapasok ang bakterya na naghahatid ng iba’t ibang sakit.
Umiwas sa mga taong may sipon. Madaling makahawa ang sipon lalung-lalo na kapag mahina ang immune system ng tao. Kaya makabubuti ang pag-iwas sa taong may sakit upang makasigurado.
Ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay. Anumang mahawakan natin ay posibleng kontaminado ng bakterya na puwedeng magbunga ng sipon.
Anumang sanhi ng pagkakaroon ng dugo sa sipon, ang pinakamahalaga sa lahat ay huwag itong dedmahin. Makabubuti kung magpapakonsulta sa doktor upang matukoy ang sanhi nito at mabigyan din ng karagdagang payo.