Dear Doc. Shane, Malakas uminom ng alak ang tatay ko at siya ay 56 yrs. old kaya nangangamba kaming baka magkaroon siya ng problema sa atay. Pinagbabawalan namin siya, pero hindi siya marunong makinig. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa mga senyales ng problema sa atay? — Kenya
Sagot Ang atay ang pangalawa sa pinakamalaking organ sa katawan at ito ay responsable sa ilang mahahalaga at kumplikadong paggana sa katawan kabilang na ang pag-aalis ng mga lason sa katawan, pagkontrol sa lebel ng cholesterol, paglalabas ng mga likido na makatutulong sa pagtunaw ng pagkain at paglaban sa mga impeksiyon at sakit. Kung wala ang atay, tiyak na manghihina ang katawan.

Sa kasamaang-palad, ang atay ay isa rin sa mga pinakanaaabusong organ sa katawan. Ang sobrang pag-inom ng alak ay isa sa mga gawain na nakapagpapasama sa kondisyon ng atay.
Narito ang mga senyales sa pagkakaroon ng problema sa atay:
paninilaw ng balat at mga mata (jaundice)
pananakit ng tiyan
paglaki ng tiyan
pamamanas ng mga binti at paa
pagbabago ng kulay ng ihi (pagkukulay tsaa)
maputlang pagdumi o may kasamang dugo
pagkahilo at pagsusuka
kawalan ng gana sa pagkain
madaling pagpapasa sa balat
madaling pagkapagod