Dear Doc. Shane, Lumalabo na ang aking paningin. Hirap na akong tumingin sa malalayong bagay kaya halos inilalapit ko na ang mga binabasa ko sa aking mga mata. Ano kaya ang dahilan nito? — Kelun
Sagot Napapansin ba ninyong lumalabo na ang mga bagay na malalayo sa inyong paningin, pero malinaw naman kapag tiningnan ito nang mas malapit? Dati ba ay nababasa ninyo ang mga letrang maliliit, pero ngayon ay dikit-dikit na?
Kung oo ang mga sagot ninyo riyan, nagsimula nang lumabo ang inyong paningin. Near sightedness ang tawag sa kondisyong ito. Medically, tinatawag itong myopia.
Narito ang karaniwang sintomas ng pagiging nearsighted:
Nagbabasa ng libro nang malapit sa mga mata
Nanonood nang malapitan sa TV o sine
Palaging papikit-pikit ang mga mata (squinting)
Waring hindi alintana ang mga bagay na malayu-layo sa kanya
Sa normal na paningin, ang pumapasok na light rays ay nakapokus sa retina. Sakto dapat sa mismong retina ang light rays, hindi sa harap o sa likod nito. Pero sa kaso ng myopia, ang point of focus ay nasa harap ng retina. Dahil dito, ang malalayong bagay ay nagmimistulang malabo. Ang bagay na malalapit lamang ang nakikitang malinaw kaya tinawag na nearsighted ang mga taong myopic.
Nag-iiba-iba rin ang degree ng pagiging nearsighted. May mild lamang at may grabe. ‘Yung mild lamang ang pagiging nearsighted, malinaw pa ring nakakikita ng mga bagay kahit ilang yarda ang layo nito. Pero kung grabe ang pagiging nearsighted, ang malinaw lamang niyang nakikita ay ang mga bagay na ilang pulgada lamang ang layo sa kanyang mga mata.
Sinasabing posibleng pahaba ang hugis ng eyeball ng mga taong nearsighted. Alam naman nating bilog ang normal na hugis ng eyeball. Kung naging pahaba ang eyeball, hindi umaabot sa dakong retina ng mga mata ang light rays. Tumatama lamang ito sa harap ng retina.
Madalas, natutuklasan ang pagiging nearsighted sa mga bata, mula sa batang nasa school age hanggang sa mga teenager. Sinasabing nasa lahi ito. Ang pagbabago sa paningin ay puwedeng bigla o dahan-dahan lang at posibleng lumala kung hindi maaagapan.
Madaling maisaayos ang kondisyong ito. Susuriin ng ophthalmologist o optometrist ang mga mata upang matiyak kung gaano katindi ang myopia at kung gaano ang grado ng mga mata. Depende sa resulta, susukatan ng salamin ang taong nearsighted.