top of page
Search
Justine Daguno

Kahulugan ng pagsisindi ng kandila, pag-aalay ng pagkain etc... Mga paniniwala at tradisyon tuwing a

Likas sa ating mga Pinoy ang kahiligan sa mga tradisyon, meron man itong basehan o gawa-gawa lang, hindi ito nawawala sa anumang okasyon. Ngayong All Souls’ Day o Araw ng mga Kaluluwa, anu-ano ang mga nakasanayan nating gawin para mas maging ‘extra’ ang araw na ito?

1. PAGBISITA SA MGA NAMAYAPANG MAHAL SA BUHAY. Isa sa mga nakasanayan nating gawin tuwing Undas ay ang pagpunta sa sementeryo. Ito ‘yung pagkakataon kung saan tila may ‘reunion’ dahil muling nagkikita-kita ang lahat para dumalaw sa puntod nina lolo at lola o sinumang namayapa nating mahal sa buhay.

2. PAGHAHANDA NG PAGKAIN. Parte rin ng paggunita ng Undas ang paghahanda ng mga pagkain o mas kilala bilang atang. Ito ay paniniwala na kung maghahanda tayo ng paboritong sopas ni lola o tokwa’t baboy ni lolo ay matutuwa sila sa kabilang buhay.

Maaari itong ilagay sa ibabaw ng nitso o sa paborito nilang lugar sa bahay o sa altar.

3. KUWENTUHAN NG MGA NAKAKATAKOT. Ito rin ang pagkakataon kung saan parang nagke-crave tayo sa mga horror stories kaya hindi mawawala ang mga kuwento tungkol sa white lady na kahit paulit-ulit o magkakaiba lang ng version ay nakatatakot pa rin.

‘Yung tipong lahat kayong magkakapatid at magpipinsan ay magpapaikot saka magse-share ng kani-kanyang kuwento at pagkatapos ng mahabang kuwentuhan, wala nang may gustong umihi nang mag-isa sabay bitaw ng linyang, “Sino ‘yang nasa likod mo?” Ha-ha-ha!

4. PAGSISINDI NG KANDILA SA LABAS NG BAHAY. Karamihan sa atin ay nakasanayan na rin ang pagsisindi ng kandila sa labas ng bahay kapag sumapit ang alas-6:00 ng gabi. Ang bilang daw ng kandila ay kumakatawan sa bawat miyembro ng pamilya na namatay na.

Ang nakasinding kandila raw ang magsisilbi nilang gabay para pumunta sa lugar na paborito nilang puntahan noong nabubuhay pa sila.

Pinaniniwalaan din na makatutulong ito para madali silang makapaglakbay o maliwanagan ang kanilang daan sa kabilang buhay.

5. PANONOOD NG MGA NAKAKATAKOT NA PALABAS. Madalas talagang horror o may katatakutan ang theme ng mga palabas sa TV kapag Undas. Noon nga, wala tayong makikitang bata sa labas kapag alas-6:00 ng gabi dahil lahat sila ay nakatutok na sa Magandang Gabi, Bayan specials ni Kabayan Noli de Castro.

Well, ngayon, pananakot naman nina Mareng Korina Sanchez at Jessica Soho ang inaabangan nila!

Marahil, ginugunita worldwide ang All Souls’ Day at All Saints’ Day, pero ang mga ganitong practices ay ‘tatak-Pinoy’.

Kasabay ng paggunita sa taunang okasyong ito, huwag nating kalimutan ang pinakamahalagang gawin, ito ang maglaan ng ilang minuto para sila ay bigyan ng panalangin.

Okay?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page