top of page
Search
Shane M. Ludovice, M.D

Epekto sa atay ng gamot sa bad cholesterol

Dear Doc. Shane, Mataas ang aking kolesterol kaya niresetahan ako ng rosuvastatin. Gaano katotoo na sa katagalan ng pag-inom nito ay masama raw ang epekto nito sa ating atay? — Egay

Sagot Ang gamot na ‘statin’ ay pampababa ng “bad cholesterol” o LDL. Ang mataas na LDL ay maaaring mauwi sa pagbara ng mga ugat sa puso at utak at maging sanhi ng heart attack at stroke.

May iba’t ibang klaseng ‘statin’ tulad ng simvastatin, atorvastatin at rosuvastatin. Maraming pasyente ang natatakot uminom nito dahil sa paniwalang baka masira ang kanilang atay.

May posibilidad na tumaas nang kaunti ang liver enzymes na ALT (SGPT) kapag umiinom ng ‘statin’. Pero tatlong porsiyento (3%) lamang ng umiinom nito ang tumataas ang ALT (SGPT). Karamihan ay hindi naman sobra ang itinataas ng ALT at kalaunan ay bumabalik din sa normal level.

May mga pasyente na tumataas ng tatlong beses o higit pa sa normal ang ALT. Dahil dito, nagte-test ang doktor ng ALT bago magsimulang uminom ng ‘statin’ ang pasyente at ilang linggo pagkatapos uminom para ma-monitor ito.

Kapag sumobrang taas ang AST (Aspartate aminotransferase) at ALT sa pag-inom ng ‘statin’ ay puwede itong itigil pansamantala ng doktor o ilipat sa ibang gamot.

Ang posibilidad na masira ang atay o magkaroon ng liver failure nang dahil sa ‘statin’ ay isa sa 100,000 at isa sa 1,000,000. Napakadalang nito at pareho lang ang risk o peligro para sa mga taong hindi umiinom nito.

Ayon sa pag-aaral, ang pinsala sa atay nang dahil sa ‘statin’ ay sobrang bihirang mangyari. Ang payo ng mga eksperto, kung umiinom nito, magkonsulta agad sa doktor kapag sumakit ang tiyan, mawalan ng ganang kumain, nag-iba ang kulay ng ihi (naging kulay tsaa) o kapag nanilaw ang balat at mga mata.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page