
Inalisan na ng korona ng Adamson University ang dating kampeon na De La Salle-Zobel sa pamamagitan ng 25-20, 25-21, 25-14 paggapi sa huli para sa pagkakataong makaharap ang second seed University of Santo Tomas sa ikalawang laro sa stepladder semifinals ng UAAP Season 82 Girls’ Volleyball Tournament noong Miyerkules sa Paco Arena. Nanguna si middle blocker May Nuique sa naturang panalo ng Baby Falcons sa itinala nitong 14 puntos kasunod si Kate Santiago na may 13 kills at 11 digs.
Magtutuos ang Lady Baby Falcons at ang second seed at twice-to-beat University of Santo Tomas sa darating na Linggo sa Blue Eagle Gym para naman sa pagkakataong makasagupa ang outright finalist National University-Nazareth School sa best-of-three finals series. “Marami pa ring errors eh, pero masaya ako kasi naniniwala na ‘yung mga bata sa sarili nila na kaya nilang manalo,” pahayag ni Adamson coach Lerma Giron. Nagtapos na topscorer para sa natalong Junior Lady Spikers si Irah Jaboneta na may 11 puntos.
Samantala sa boys division, pinataob ng University of Santo Tomas sa pamumuno Rey de Vega ang Adamson, 25-17, 27-25, 25-17, para makopo ang huling semifinals slot.
Samantala, dalawang panalo ang naitala ng De la Salle-Zobel ng nakaraang weekend para sa kabuuang ikatlong straight wins sa marami nang laro sa Women’s Basketball League (WBL) na isinaayos ng Best Center.
Ginapi ng green squad ang Immaculate Conception Academy, 88-14 noong nakaraang Sabado, bago nagtala ng 50-17 na pananambak noong Linggo kontra St. Pedro Poveda Academy. Ang parehong panalo ang nagpaangat sa squad sa 3-0 para malagay sa top spot ng 13-and Under category ng torneo na Milo at Rain or Shine.
Samantala nanatili naman ang tikas ng St. Paul College-Pasig nang hindi papormahin ang Miriam College, 43-38 kasunod ng pambibiktima sa Immaculate Conception Academy, 46-17 at umibayo ang kartada sa 2-1 (wins-loss).