![](https://static.wixstatic.com/media/5376bf_76e6f680d411431c80482c2f4076666e~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/5376bf_76e6f680d411431c80482c2f4076666e~mv2.jpg)
Karamihan sa mga taong mayroong sariling bahay at lupa na gustong magkaroon ng instant million o half million ay naiisipang ibenta ang properties, lalo na kung mayroong mag-aalok sa kanila ng cash sa isang bagsak lang. Sabi ng finance writer ng Chicago na si Toni Husbands, ang perang makukuha kapag nagbenta ng bahay ay parang panaginip na nagkakatotoo.
Pabor para sa investors ang ganito kadaling transaksiyon, lalo na kung hindi masyadong concern ang buyer sa mga kailangang i-repair. Ngunit, hindi lahat ng glittery things o makikinang na bagay ay ginto. Maraming sellers ang nag-aakalang madali lang ang proseso sa pagbebenta ng bahay at lupa at akala rin ng iba ay masaya ang mawalan ng bahay at lupa kapalit ng limpak-limpak na salapi. Pero, ayon sa author na si Agatha Fischer, ang katotohanan sa pagbebenta ng bahay at lupa ay maaaring magdulot ng inconvenience, stress at kabalisahan. Gayunman, ang mga ito ay maaaring maiwasan kung magkakaroon ng tamang preparasyon at desisyon kapag nagbenta ng property.
Anu-ano nga ba ang mga bagay na dapat ikonsidera bago ibenta ang bahay at lupa?
1. KUMONSULTA SA ABOGADO. Magastos ang pagpapakonsulta sa abogado, pero sadyang mahalaga ito para magkaroon ng kasiguraduhang magiging legal ang lahat ng proseso kaya naman, malaking tulong kung mayroon tayong mga kilalang abogado.
2. MAGTAKDA NG TAMANG PRESYO. Kung masyadong mataas ang presyo ng ibinebentang property, maaaring maging mahirap ang paghahanap ng buyer. Sa kabilang banda, kung masyado namang mababa ang halaga, maaaring magkaroon ng pagdududa ang buyer at maaari ring malugi ang seller. Kaya ang tips ng experts, siguraduhing hindi kayo talo sa presyo.
3. IBENTA ANG BAHAY AT LUPA SA TAMANG PANAHON. Isa sa mga dapat alalahanin kapag magbebenta ng bahay at lupa ay ang panibagong buhay na haharapin, lalo na kung ang bahay at lupa na ibebenta ay kasalukuyang tinitirahan ng seller. Ang paglilipat sa ibang lugar ay maaaring makaapekto sa trabaho, pag-aaral at maging sa mga matatandang miyembro ng pamilya dahil sa bagong environment na gagalawan.
4. GAWING NAKAEENGGANYO ANG BAHAY. Mayroong mga bahay na maliit lang, pero mukhang malaking tignan dahil sa maayos na lugar o posisyon ng bawat gamit. Mayroon ding malaki ang bahay, pero mukhang maliit. Mayroong buyer na babaratin ang property, lalo na kung sa tingin nila, eh, maliit lang ito kaya makatutulong na gawing appealing at attractive ang bahay at lupa bago ito ibenta.
5. KUMUHA NG INSURANCE. Ayon kay Amy Fontenelle, finance content writer, mahalaga ang house insurance bago ito ipagbili. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang mga buyer na bigla na lang nagbabago ng isip na aatras sa pagbili o kaya ay hihiling ng labis na mababang halaga dahil umano sa mga palpak na bagay na nakita nila sa bahay.
6. IPAGBILI ANG BAHAY AT LUPA SA KUWALIPIKADONG BUYER. Hindi lahat ng buyer ay qualified. Kailangang makasiguro ang seller na kayang-kayang bayaran ng buyer ang napag-usapang halaga, lalo na kung aabot ng two gives o higit pa ang paraan ng pagbabayad. Sa pagsisigurong kuwalipikado ang buyer, maiiwasan ang posibilidad na maloko o maisahan.
Kailangang pag-isipang mabuti ang magiging desisyon, lalo na sa mga bagay na lubhang makaaapekto sa ating pamumuhay. Kaya, huwag basta-basta masisilaw sa halaga ng salapi. Ibenta ang properties sa nararapat na halaga para hindi madehado ang kinabukasan.
Copy?