Tayong mga Pinoy ay kilala bilang mapamahiin kung saan halos lahat ng okasyon ay meron nito, kabilang na ang pamahiin tungkol sa mga patay. Marami tayong alam na pamahiin, pero ang tanong, anu-ano ang ibig sabihin ng mga ito? Mga besh, narito ang ilang pamahiin tungkol sa mga patay:
1. GREEN BONES. Pagkatapos ng cremation at may nakitang green bones, may ginawa umanong kabutihan ang yumao nu’ng ito ay nabubuhay pa. Ayon sa paniniwala ng mga Chinese, bihira lang itong makita kaya kapag nakakita ng green bones sa cremation, dapat itong itabi ng pamilya dahil magsisilbi itong pampasuwerte.
2. BAWAL SUOTAN NG SAPATOS. Sabi ng matatanda, hindi dapat suotan ng sapatos ang bangkay dahil mahihirapan itong maglakbay sa kabilang buhay. Gayundin, para wala umanong marinig na mga hakbang kapag ito ay nasa paligid lang o nasa bahay.
3. BAWAL MATULOG ANG BANTAY SA LAMAY. Dapat manatiling gising ang nagbabantay sa lamay o bawal iwanan ang patay. Bakit? Ito ay dahil sa paniniwalang maaaring makuha ng masasamang espiritu ang patay at kapag may nakitang bantay ang mga ito, matatakot silang lumapit sa bangkay.
4. PAGPUPUTOL NG ROSARYO. Sabi nila, dapat putulin ang rosaryo na inilagay sa kamay ng namatay para maputol na ang kamatayan at wala nang sumunod sa pamilya nito.
5. PAGLALAGAY NG SISIW SA ATAUL. Kapag ang namatay ay biktima ng krimen, dapat maglagay ng sisiw sa ibabaw ng ataul para makunsensiya ang gumawa ng krimen at hindi ito patahimikin ng mga huni ng sisiw.
Mga ka-Bulgar, alam n’yo na? Sabi nga nila, hindi masamang maniwala sa mga pamahiin dahil wala namang mawawala kung susundin natin ito. Gayunman, ngayong Araw ng mga Patay, huwag n’yong kalimutang bisitahin at ipagdasal ang inyong mga yumaong mahal sa buhay. Copy?