Katiwalian ng mga pulis, unlimited!
- Korina Sanchez
- Oct 25, 2019
- 2 min read
Tila hindi na matapus-tapos ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng kapulisan.
Kamakailan, ipina-recall ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Brig. Gen. Debold Sinas ang nasa 200 kapulisan na naitalaga sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Kaugnay ito sa pagkakasangkot ng 16 pulis na nahuling nagpupuslit ng sari-saring kontrabando tulad ng sigarilyo, alak at cellphones na ibinebenta sa mga bilanggo.
Ang 16 pulis na sangkot sa smuggling ng mga kontrabando sa maximum prison cell sa Bilibid ay kasalukuyang nasa Personnel Holdings and Accounting Unit (PHAU) sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Inilagay muna ang mga ito sa floating status habang patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Ayon kay Gen. Sinas, makikipag-usap umano siya sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) para talakayin ang nasabing insidente.
Aalamin din ni Gen. Sinas kay BuCor Chief Gerald Bantag kung nais pa nitong panatilihin ang presensiya ng mga tauhan ng NCRPO sa Bilibid kasunod ng isyung ito.
Kung mapatutunayang nagkasala ang mga nahuling pulis, kahaharapin ng mga ito ang kasong grave misconduct na may posibilidad pang matanggal sa kani-kanilang serbisyo.
Kung iisipin, 16 pa lang ang nahuhuli. Hindi na tayo magtataka kung mas marami pang tiwaling pulis ang hindi pa nahuhuli. Ngayong nagpasok na naman ng mga bagong pulis sa NBP, gaano kaya katagal bago may mahuli na naman? Tsk!
◘◘◘
Kailangang magpatuloy ang “internal cleansing” ng Philippine National Police (PNP). Sa tingin natin, ito ang mas mahalaga kesa sa anumang kampanya ng kasalukuyang administrasyon.
Kung may nahuhuling mga tiwaling pulis, hindi malabong meron talagang kalakaran kung saan imbes na makontrol, mas lumalaganap pa ang mga krimen.
Marami na tayong narinig na pangakong lilinisin ang kanilang hanay at pupurgahin ang mga scalawag.
At sa totoo lang, inaasahan natin ‘yan kay ex-PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, pero sa kinasangkutan nitong malaking iskandalo, tila may bahid na rin ito.
Kung nagiging mahigpit ang PNP sa kanilang kampanya kontra ilegal na droga dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, dapat mas mahigpit sila sa mga tiwaling pulis.
Malaking pagsubok ito para sa mga pulis na tapat sa serbisyo dahil pati sila ay nakakaladkad sa putik ng kanilang mga kapwa pulis na kinain ng sistema ng korupsiyon.
Sana, maisalba pa ang Pambansang Pulisya, sila ang inaasahan ng taumbayan na poprotekta sa atin.
Comments