![](https://static.wixstatic.com/media/5376bf_79ca8bebaef243b4b2ddbd9324be3348~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_551,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_avif,quality_auto/5376bf_79ca8bebaef243b4b2ddbd9324be3348~mv2.jpg)
Ilalatag ng Community Basketball Association (CBA) ang kanilang 2nd season sa gagawing pagdayo sa Mabalacat, Pampanga sa darating na Linggo, Okt. 27.
Dalawang malaking laro — Palayan, Nueva Ecija vs Manila at host Mabalacat vs Rizaba — ang kaagad isasalang simula 1 p.m. sa harap ng inaasahang maraming manonood sa Bren Z. Guiao Sports Complex. “Handang-handa na ang lahat. Ang buong bayan ng Mabalacat ay naghihintay na sa pagbubukas ng CBA 2nd season,” pahayag ni Books Fabello ng Mabalacat sa 45th “Usapang Sports” sa National Press Club sa Intramuros kahapon.
“Bilang punong-abala, umaasa kami na magiging kapana-panabik ang unang pagdalaw ng CBA sa Mabalacat,” dugtong pa ni Fabello, na kumatawan kay Cris Garbo. Ipinahayag ni Fabello na lalaro rin sa Team Mabalacat si Garbo.
Sinamahan siya ni assistant coach Jordan Siray sa weekly forum na sinusuportahan din ng Philippine Sports Commission. Dumalo rin sa forum sina San Miguel-Alab Pilipinas coach Jimmy Alapag at kanyang mga players, CBA president Carlo Maceda at ang California School-Antipolo, na pinakabagong miyembro ng Community Volleyball Association.
Laro sa Linggo: (Bren Z. Guiao Sports Complex) 1 p.m. — Palayan vs. Manila 3 p.m. — Mabalacat vs. RIZAB