Dear Doc. Shane, Malapit na akong manganak sa aking panganay kaya inaalam ko ang mga bakuna na dapat niyang makuha at isa na rito ang bakuna kontra polio. Pamilyar ako sa sakit na ito, pero hindi ganu’n kalawak ang nalalaman ko. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa polio? — Jasmine
Sagot Ang polio o poliomyelitis ay nakahahawang sakit na dulot ng impeksiyon na poliovirus. Maaaring ito ay karaniwang kaso lamang o abortive type na kadalasan ay gumagaling matapos ang isang linggong pagkakasakit o seryosong karamdaman na nakaaapekto sa central nervous system kabilang ang utak at spinal cord na maaaring magdulot ng pagkaparalisa, hirap sa paghinga at ang pinakamalala ay maaari itong makamatay.
Ang impeksiyon nito ay maaaring makuha sa kontaminadong inumin at pagkain. Ang kontaminasyon ay nagmumula sa dumi ng apektadong indibidwal kaya ang pagkakasakit nito ay may kaugnayan sa maruming kapaligiran.
Sino ang maaaring magkasakit ng polio? Ang panganib ng pagkakaroon nito ay tumataas sa mga taong dumarayo sa lugar na talamak ang kaso nito, lalo na kung hindi nabakunahan. Ang buntis, bata at indibidwal na may mahinang resistensiya ang may pinakamataas na panganib nito.
Sa ngayon, wala pang gamot na direktang makapagpapagaling sa poliovirus, ang gamutan sa polio ay nakasentro sa pangangalaga, sapat na pagpapahinga, regular na ehersisyo, pagkonsumo ng masusustansiyang pagkain at pagbibigay-lunas sa mga sintomas na maaaring maranasan. Tulad ng ibang sakit na dulot ng virus, ito ay kusang gumagaling sa oras na magkaroon ng sapat na resistensiya ang katawan.
Paano makaiiwas sa polio? Bukod sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran at pagkakaroon ng ligtas na suplay ng pagkain at inumin, ang pinakamainam na paraan ng pag-iwas sa polio ay ang pagkakaroon ng bakuna para sa sakit na ito.
Ang bakuna ay ibinibigay sa bata sa pamamagitan ng Inactivated Poliovirus Vaccine (IPV). Ito ay itinuturok nang apat na beses mula sa ikalawang buwan, ikaapat na buwan, sa pagitan ng ikaanim na buwan at isa’t kalahating taong gulang habang ang huling turok ay sa pagitan ng ikaapat na taong gulang hanggang ikaanim na taon.
Mayroon na ring makabagong bakuna na itinuturok nang isang beses lamang kasabay ng ibang bakuna para sa DTaP (Diphtheria, Tetanus, Pertussis) Vaccine, pneumococcal infections at Hepatitis B. Ang mga ito ay magkakasama na sa bakunang pediarix.
Narito ang ilan sa mga karaniwang sintomas na maaaring maranasan ng pasyenteng may abortive type ng polio. Ito ay maaaring magtagal ng 1 hanggang 10 araw:
Lagnat
Sore throat
Pananakit ng ulo
Pagsusuka
Pagkapagod
Pananakit ng likod
Pananakit ng leeg
Pananakit ng mga kalamnan
Meningitis
Para sa paralytic type, sa simula ay maaaring akalaing ito ay karaniwang kaso lamang, pero sa kalaunan, maaari itong humantong sa seryosong sintomas tulad ng mga sumusunod:
Kawalan ng kakayahang kumilos.
Matinding pananakit at panghihina ng kalamnan.
Pangangayayat at panliliit ng mga binti.
Pagkatapos ng pagkakasakit ng polio, maaaring hindi makaranas ng post-polio syndrome o ang mga epekto ng polio na nararanasan lamang matapos gumaling mula sa sakit. Ang mga ito ay kadalasang nakaaapekto sa abilidad ng tao na makagalaw nang maayos at humahantong sa pagkabaldado.
Narito ang ilan sa mga senyales ng post-polio syndrome:
Progresibong pananakit at panghihina ng kalamnan at kasukasuan
Madaling mapagod kahit minimal lamang ang ginawa
Hirap sa paglunok at paghinga
Madaling ginawin
Depresyon
Hirap sa pagmememorya at konsentrasyon
Tandaan, upang makasiguro, dapat magtungo na sa doktor at magpaturok ng bakuna laban sa polio, lalo na kapag nakararanas na ng ilan sa mga sintomas.