top of page
Search

Kahit break na sila ng aktres… Joshua, nagpadala ng bulaklak sa burol ng lolo ni Julia

Erlinda Rapadas

Medyo kalmado na si Claudine Barretto nang humarap at makipag­tsikahan sa mga nakiramay na press people sa huling gabi ng burol ng kanyang ama sa Heritage Park sa Taguig.

Bago maghatinggabi nu’ng Biyernes, dumating naman ang kaibigan ni Claudine na si Gladys Reyes na humabol upang makiramay. Muntik pa nga silang ‘di mag-abot dahil pauwi na sana si Claudine.

Light moments at mga throwback memories ang kanilang pinag-usapan tulad ng posibilidad na gumawa sila ng pelikula kasama si Judy Ann Santos. Biro nga ni Gladys, siya na raw ang magpo-produce ng Claudine-Judy Ann movie basta kasama siya (Gladys).

Daddy’s girl si Clau kaya nang pana­hong nakaratay sa ICU ang kanyang ama ay naroroon siya at nagbabantay. At bago nalagutan ng hininga ang kanyang ama ay si Claudine pala ang huling nakausap nito at naihabilin pa nga raw ni Miguel Barretto sa anak na magbati-bati na silang magka­kapatid. Kaya naman, open si Clau na maayos nga ang hindi nila pagkaka­unawaang magka­kapatid.

Pero nangyari nga ang mga bagay na hindi inaasahan ng lahat na nauwi pa sa sakitan sa burol kaya ikinalungkot ‘yun nang sobra ni Claudine. Naniniwala na lang daw siyang in God’s perfect time ay mag­kakaayos din silang magkakapatid.

Pagkatapos maihatid sa huling hantungan ang kanyang ama, plano ni Claudine na magbakasyon at magpahinga muna sa Japan niya planong pumunta upang makabawi sa pagod at stress na kanyang pinagdaanan.

Masaya naman kami sa naikuwento niyang dumalaw sa burol ng kanyang Daddy Miguel ang ex-husband niyang si Raymart Santiago. At least, civil naman sila ni Raymart at natanggap na ang nang­yari sa kanilang relasyon. Alang-alang sa kanyang mga anak, gusto niyang maging payapa na ang lahat sa kanila ni Raymart.

Dumalaw din sa huling gabi ng lamay ng tatay nina Gretchen, Marjorie at Claudine ang dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada kasama ang ilang bodyguards.

Samantala, sa tsikahan nina Claudine at Gladys, naikuwento ng nagkokontra­bidang aktres na nakatrabaho niya si Claudine sa dalawang teleserye ng ABS-CBN. Kahit bihirang magkita ay close rin pala sina Clau at Chic-Chic (Gladys). Ikinuwento nga ni Gladys na pumupunta rin si Claudine sa Estela Resto nila sa Brickroad sa likod ng Sta. Lucia Mall.

Gabi-gabi ring nasa burol ni Daddy Miguel si Edu Manzano. Ayon kay Clau­dine, si Edu ay itinuring nang adopted son ng kanyang yuma­ong ama. Hindi raw nawawala si Edu sa mga special events ng Pamilya Barretto.

Napansin lang namin na todo-iwas sa media ang mag-inang Marjorie at Julia Barretto at walang effort na bumati. Dedma rin ang drama nila kay Claudine.

Nakita namin ang mga flowers na padala ni Joshua Garcia na dating ka-love team ni Julia. Maging si Manila Mayor Isko Moreno ay nagpadala rin ng bulaklak. Balitang nanligaw din noon si Yorme Isko kay Clau­dine pero hindi nakalusot. Hindi namin nakita kung may flowers na padala si Mark Anthony Fernandez.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page