Pinangunahan ni Axel Iñigo ng Pasay Voyagers ang pagpitpit sa Marikina Shoemasters, 70-66 sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season noong Lunes ng gabi sa Imus Sports Complex sa Cavite. Sa taas lamang na 5-foot-6, pinakamaliit na player, umiskor si Iñigo ng 19 puntos, kabilang na ang huling 5 nang mamayani ang Voyagers sa Shoemasters sa huling tikada ng orasan para ipagdiwang ang 12-3 salvo kasunod ng mabangis na back-to-back triples ni Yvan Sazon.
Bilang dagdag, sumunggab ang dating Far Eastern University Tamaraws ng 4 rebounds, 4 assists at ng itarak ng Voyagers ang ika-8 panalo sa 9 na laro at umakyat sa 12-6 ang kanilang overall na marka sa North Division ng 31-team league. Tinulungan ni dating pro na si Jaypee Belencion si Iñigo sa 11 puntos kasunod ng 8 puntos at 12 rebounds ni Dhon Reverente nang pahiyain ng Voyagers ang Shoemasters sa 3-13 sa kabila ng 28 puntos ni Sason at 10 ni Jojo Duncil.
Pumoste rin ang Bulacan Kuyas at Quezon City Capitals ng pahirapang panalo at umaasang makapasok sa playoffs. Pinalakas ng bago nilang player na si Lester Alvarez sa 21 puntos at Ray Alabanza na may 17 puntos, tinigpas ng Kuyas ang Imus-Khaleb Shawarma Bandera, 75-70 habang iniskrambol ng Capitals ang Navotas Clutch, 98-97 sa overtime.