Dear Doc. Shane, Sobrang kati ng aking anit dahil meron akong balakubak. Minsan na lang din akong gumamit ng shampoo, baka sakaling mabawasan ang pangangati nito, pero parang wala namang epekto. Ano ba ang maaaring lunas para rito? — Johanna
Sagot
Maaaring subukan ang mga sumusunod:
Huwag kamutin ang ulo. Hindi mauubos ang balakubak sa kakakamot kundi lalo lang itong darami sapagkat ang pagkakamot ay nakasisira sa anit o scalp na magdudulot ng mas marami pang pagtutuklap.
Suriin ang mga ginagamit na shampoo, conditioner, gel, spray at iba pang ginagamit sa buhok. Bawat tao ay may kani-kanyang mga ipinapahid sa buhok na ‘hiyang’ sa kanila, pero ang iba ay puwede ring maging ‘trigger’ sa pagkakaroon ng balakubak. Maaaring itigil muna ang paggamit ng mga ito at gumamit ng mild shampoo o palitan ang ginagamit na mga produkto.
Bawasan ang paggamit ng shampoo. Minsan, ang sobrang paggamit ng shampoo at conditioner ay puwede ring makadagdag o magpalala ng balakubak.
Kung hindi pa gumaling ang balakubak sa pamamagitan ng unang tatlong hakbang, gumamit ng ‘anti-dandruff shampoo’, araw-araw. Hindi kailangang ‘ikusot’ ang shampoo sa buhok na parang labadang may mantsa. Sa halip, banayad lamang itong ipahid sa buhok at banlawan pagkatapos ng 5 minuto.
Para ang shampoo ay masabing ‘anti-dandruff’, dapat may aktibong sangkap ito laban sa balakubak tulad ng salicylic acid, selenium sulfide, ketoconazole, zinc pyrithione.
Gayunman, kung hindi pa rin mawala ang balakubak, maaaring magpatingin na sa dermatologist para sa iba pang puwedeng gawin para rito.