
Napanatili ng FEU-Diliman ang malinis nilang kartada matapos payukurin ang De La Salle-Zobel, 22-25, 25-8, 25-15, 25-21, noong Sabado sa UAAP Season 82 Boys’ Volleyball tournament sa Paco Arena.
Bumawi ang Baby Tamaraws mula sa kabiguan sa opening set at winalis ang sumunod na tatlong sets upang makamit ang ikawalong sunod nilang panalo.
“Masyadong relax ‘yung mga bata sa umpisa kaya kailangan naming ayusin iyon sa ensayo. Inadjust namin iyong receive namin noong second to fourth set kaya nakabawi,” wika ni FEU coach Rjhay Del Rosario. Nanguna si Jerold Talisayan sa nasabing panalo sa itinala niyang 15 puntos mula sa 11 attacks at 4 na blocks.
Namuno sina Simon Encarnacion at Jhon Lituania na may tig-8 puntos para sa nabigong Junior Green Spikers na nanatili namang winless matapos ang 9 outings.
Sa iba pang laban, umiskor si Nathaniel Del Pilar ng 19 puntos upang tulungan ang Adamson University sa paggapi kontra University of Santo Tomas, 23-25, 29-27, 26-24, 25-22, para sa ikatlong sunod nilang panalo.
Bunga nito, pumatas ang Baby Falcons sa Tiger Cubs sa ikatlong puwesto hawak ang markang 5-4.
Nanguna si Jay Rack Dela Noche para sa natalong Tiger Cubs sa ipinoste niyang 22 puntos.
Samantala, wagi naman ang University of the East sa pangunguna ni Joshua Espenida na may 11 puntos kontra Ateneo, 25-14, 25-17, 25-15, para manatiling nasa ikalawang puwesto hawak ang 8-1 na marka.