Iba't ibang dahilan ng panlalabo ng mga mata
- Shane M. Ludovice, M.D
- Oct 12, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Bago namatay ang tatay ko ay nagkaroon siya ng glaucoma, tapos si nanay naman ay merong diabetes kaya naaapektuhan na rin nito ang kanyang paningin. Ang problema, medyo nakararanas na rin ako ng panlalabo ng paningin, pero hindi ko alam ang dahilan nito. Maaari ba ninyong talakayin ang mga posibleng sanhi ng panlalabo ng mga mata? — Angel
Sagot Ang pagiging nearsighted, farsighted at astigmatism ang pangunahing mga sanhi ng paglabo ng mga mata. Ito ay kadalasang nalulunasan sa pamamagitan ng pagtama o pag-adjust ng grado ng lente ng mga mata sa pamamagitan ng pagsusuot ng salamin.

Pero tandaan, ang panlalabo ng mga mata ay maaaring sintomas din ng mas seryosong problema tulad ng nakabubulag na karamdaman o sakit sa utak.
Narito ang ilan sa mga sanhi ng malabong mga mata:
Myopia. Ang panlalabo ng isa o parehong mata ay maaaring sintomas ng myopia o nearsightedness.
Hyperopia o farsightedness. Ito ay sakit sa mga mata kung saan malinaw na makikita ang bagay na nasa malayo, pero hindi maka-focus ang mga mata sa malalapit na bagay.
Astigmatism. Ito ay kadalasang sanhi ng iregular na hugis ng cornea.
Presbyopia. Kung ikaw ay edad 40 at nakararanas ng panlalabo ng mga mata kapag nagbabasa ng diyaryo o maliliit na letra, malamang, ikaw ay may presbyopia, isang karamdaman sa paningin na may kaugnayan sa pagtanda.
Pagkatuyo ng mga mata. Ang dry eye syndrome ay maaaring makaapekto sa iba’t ibang paraan, kasama na ang panlalabo at unti-unting pagkawala ng paningin.
Katarata. Kung ito ay hindi maaalis, ang katarata ay maaaring makatakip sa paningin hanggang sa ikaw ay mabulag.
Glaucoma. Ang panlalabo ng paningin o tunnel vision ay maaaring sintomas ng glaucoma. Kasama sa mga sintomas nito ay ang dahan-dahan o biglaang pagkipot ng paningin.
Diabetic retinopathy. Kung ikaw ay may diabetes, ang hindi maipaliwanag na paglabo ng iyong paningin ay malamang na dahil sa tinatawag na diabetic retinopathy, kumplikasyon ng diabetes na sumisira sa retina ng mga mata.
High blood at stroke. Ang panlalabo at pagdodoble ng paningin ay maaaring sintomas ng stroke o pagdurugo sa utak. Ito ay maaaring sintomas din ng sakit na multiple sclerosis.
May mga sakit sa mga mata na maaaring maging sanhi ng permanenteng pagkabulag kaya mahalagang kumonsulta sa doktor para mabigyan ng tamang gamutan.