Photo: @robinhoodpadilla
Sumagot na si Robin Padilla para ipagtanggol ang mga kapwa-artista na sumama sa 5-day state visit ni Pres. Rodrigo Duterte sa Russia na sina Cesar Montano, Phillip Salvador at Moymoy Palaboy.
Ang mga nasabing artista ay binabatikos ng mga netizens dahil sa hinalang ang ginastos ng gobyerno para rito ay ang buwis ng taumbayan.
Ipinost ni Kuya Ipe sa kanyang Facebook account ang video ni Binoe na ipinagtatanggol ang mga kasamahan at may caption na “Ayan, napikon na sa inyong mga dilawan ang aming kapatid.”
Paliwanag ni Binoe, hindi totoong sinasagot ng gobyerno ang mga pamasahe nila kapag sumasama sila sa pangulo.
“Binabanatan n’yo si Kuya Ipe, si Cesar Montano, at si Moymoy bakit sila nasa Russia.
“At kung sasabihin ng mga bumabatikos na ito na ‘yung mga kaibigan ay binili, nilibre ng pamasahe, hindi po totoo ‘yan,” simula ni Binoe.
“Kami ang bumibili ng pamasahe po namin. Ang mga hotel namin, ang nagbabayad niyan, kami. Mukha ba kaming walang pera? Pambihira naman kayo, o!” sambit pa ng action star.
“May pera po kami at ‘yung perang ‘yan ay gift sa amin ‘yan ng mga taong sumusuporta sa amin. At kapag pumupunta po kami abroad kasama namin ang mahal na pangulo, si SBG (Senator Bong Go) at ang gabinete, hindi naman po kami nakikisama sa kanila, sa kainan nila, sa kung saan-saan, hindi po.
“Sarili namin, walang kahit isang pulitiko ang tinanggapan namin ng kahit pera o pabor. May pera rin kasi kami,” patuloy pa niya.
Nilinaw din ni Binoe na kaya sila sumasama sa presidente sa ibang bansa ay para mag-entertain sa ating mga kapwa-Pilipino na naroroon.
“Nagpupunta kami, sumasama kami sa presidente, hindi dahil sa kung anu-anong official business. Sumasama kami dahil para sa mga Pilipino, tandaan n’yo po ‘yan!
“‘Yung mga Pilipinong nandu’n, sa Japan, sa Russia, kung saan-saan kami napunta, ine-entertain namin ‘yung mga Pilipino nang walang bayad. Naintindihan n’yo ‘yun, sa mga bumabatikos sa mga artista na pumupunta sa abroad?
“Abono! Nilalahat ‘yan, abono! Wala! Singko? Wala! Nagseserbisyo lang kami sa mga OFWs (Overseas Filipino Workers) natin. Kasi ‘yung mga OFWs, ‘yun ang mga tunay na bayani,” patuloy niya.
Kasunod nito ay kinuwestiyon ni Binoe ang mga bumabatikos kung nagbabayad ba ng buwis in the first place at hinamon niyang magpakita ng dokumento kung magkano ang ibinabayad na tax.
“Hinahamon ko kayo, kahit kayong mga pulitiko na bumabanat sa amin, maglabasan nga tayo ng tax. Bank account, labas natin ang bank account. Pati ginto n’yo!
“Kilala ko kayo! Kayong mga pulitiko, kilala ko kayo!” galit pa ring sabi ni Binoe.
Sa halip daw na pasalamatan ang mga artista na walang bayad at sarili pang gastos ‘pag sumasama kay Digong ay binabatikos pa.
“Masama ba kaming humahanga sa presidente? Masama ba kaming sumaludo sa isang presidente? Karapatan namin ‘yun at pera namin ‘yun, wala kayong pakialam! Pambihira itong mga pambihira na ‘to!” galit pa ring wika ni Binoe.
Humingi naman ng paumahin si Binoe sa mga nanonood kung medyo na-high blood daw siya.