Dear Doc. Shane,
Last week ay nagdugo ang aking ilong, tapos naulit ito kahapon. Worried ako kung ano ito dahil hindi naman ito nauntog. Ano ba ang sanhi ng pagdurugo ng ilong? — Lulay
Sagot
Ang pagdurugo ay maaaring nagmumula sa harapang bahagi ng ilong o sa loob at mas malalim na bahagi ng ilong kung saan maraming ugat ng dugo. Kapag ang mga ugat na ito ay nasugatan, nasundot o natusok, nagsisimula ang pagdurugo. Bagama’t minsan ay nakakatakot, ito ay hindi naman seryoso.
Ang pinakamadalas na dahilan ng pagdurugo ng ilong ay ang pagtama ng harapang bahagi ng ilong sa anumang bagay na matigas. Halimbawa, nauntog ang ilong sa pader o nahampas o nasuntok sa ilong.
Ang pagdurugo ay maaari ring dahil sa pagkakasundot o pagkakatusok ng anumang matalim na bagay tulad ng mga kuko ng daliri sa loob ng ilong. Ang pagkakaroon ng sipon at madalas na pagsinga ay maaari ring makairita sa ilong at magdulot ng pagdurugo.
At ang pabagu-bagong klima ay maaari ring makaapekto sa mga ugat ng dugo na nasa loob ng ilong at maging sanhi ng pagputok at paglabas ng dugo sa ilong.