Nakausap namin si Matt Evans last Saturday sa ribbon cutting ng bagong branch ng OTE (Online Travel Express) sa Robinsons Metro East na pag-aari ng dating provincial DJ-turned businessman na si Rich Pabilona.
Endorser ng travel agency si Matt at aniya, willing din siyang maging business partner ni Sir Rich lalo’t madaling kausap ang may-ari ng OTE. Pinapili pa nga nito si Matt kung saan gustong mag-travel at sagot naman ng balbas-saradong aktor, “Sa Japan,” kaya sabi ni Sir Rich, sagot na niya ang pagpunta ru’n ni Matt with his family. Bongga!
Pero ani Matt, hindi pa siguro siya ngayon sososyo sa OTE dahil may ‘pinagdaraanan’ pa sila ng kanyang wife na si Katrina Fariñas-Evans matapos itong ma-swindle ng kaibigang asawa ng isang basketball player.
Kuwento ni Matt, nagbebenta ng mga luxury bags ang kanyang wifey at kumuha ng 7 pieces ang kaibigan nitong babae para i-resell na umabot sa P6 million.
Ang siste raw, naibenta na pala ang mga naturang signature bags nang bagsak-presyo para lang kumita ang dyowa ng basketball player pero hindi inire-remit sa kanyang asawa ang benta.
Nu’ng hinahabol na raw nila ang bayad sa kaibigan ng kanyang asawa, nag-issue ito ng talbog na tseke kaya napilitan silang kasuhan na ito. Kaya lang, nagtago na raw ‘yung girl sa Cebu at hanggang ngayon, ayaw nang magpakita sa kanila kahit sinampahan na nila ng kasong estafa o swindling dito sa Quezon City Prosecutors Office.
Hindi rin daw sumisipot sa mga hearing ang babaeng idinemanda nila kaya dismayado si Matt sa sobrang bagal ng pag-usad ng kaso.
Ang masama pa raw, sila na nga ang niloko, binaligtad pa sila ng girl at pinalalabas na sina-cyberbully nila ito dahil nga sa mga unang balitang lumabas kung saan nagpainterbyu si Matt tungkol sa naturang kaso.
Sa ngayon, patuloy pa rin daw na nananawagan si Matt sa kaibigan ng kanyang misis na makipag-ayos na lang sa kanila para matapos na ang kaso nito at hindi na magtago sa Cebu. Balita raw ni Matt, marami itong koneksiyon sa Cebu kaya malakas ang loob ng girl.
Well, malaki man ang nawala kina Matt at Katrina, thankful naman ang tisoy na aktor na may mga bagong opportunities na dumarating tulad nga ng bago niyang endorsement na Online Travel Express.
May bago rin siyang teleserye sa ABS-CBN na pagbibidahan ni Gerald Anderson. Bagama’t kontrabida ang role ni Matt na dati ring gumaganap na bida (remember, nag-Pedro Penduko siya), wala naman daw itong issue sa kanya dahil ang mahalaga ay may trabaho siya.
Tama naman, ‘no! Ang pride, ipinanlalaba, hindi inuugali! Char!