Nalusutan ng defending champion Saint Clare College of Caloocan ang umaapoy na kamay ni Ryan Sual upang talunin ang Manuel L. Quezon University, 77-73, sa tampok na laro ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Philippine Christian University sa Maynila noong Miyerkules.
Kinailangang magtrabaho nang husto ang Saints matapos silang paulanin ni Sual ng 12 tres para sa 45 puntos, ang pinakamarami sa taong ito.
Nagpalitan ng puntos sina Nikko Jamila at Joshua Fontanilla at sinigurado ni Fontanilla ang ika-5 tagumpay ng Saints sa Grupo A sa pamamagitan ng dalawang free throws at 7 segundo ang nalalabi.
Nagtapos si Joshua Fontanilla na may 20 puntos, 6 na assist at apat na agaw.
Sinundan siya nina Joseph Peñaredondo at Jan Dominic Formento na parehong nag-ambag ng 10 puntos.
Sa unang laro, hindi natinag ang bumibisitang De La Salle Araneta University at binigo ang PCU sa sariling tahanan, 84-79. Kontrolado ng La Salle ang laban subalit bumangon ang Dolphins sa likod nina Raymond Ranzel Casajeros at Mark Edison Ordonez at ginawang 2 puntos na lang ang agwat matapos ang 3 ni Ordonez na may 1:11 sa 4th quarter, 79-81.
Namuno para sa La Salle si Henry Iloka na may 25 puntos, 12 rebounds at dalawang tapal para daigin ang kababayan sa Nigeria na si Okoronkwo.
Sumunod si Briones na may 18 puntos, 4 rebounds at 3 assist.
Sa ibang mga laro, nagwagi ang Philippine Merchant Marine School sa Holy Angel University, 77-58, salamat sa tig-16 puntos nina Jacob Galicia at Bryan Hilario upang manatiling mag-isa sa tuktok ng Grupo B na may malinis na 4-0 panalo-talo.
Nagpakitang gilas ang beteranong si Ryan Chu sa 4th quarter upang itulak ang St. Francis of Assisi College sa panalo kontra AMA University, 57-46.
Patuloy ang mainit na aksyon sa 19th NAASCU ngayong Biyernes sa Enderun Colleges sa McKinley Hill, Taguig City kung saan maglalaban ng Enderun (3-1) at bisitang PMMS (4-0) ang numero unong puwesto sa Grupo B sa kanilang tapatan sa 11:00 ng umaga.
Pagiging numero uno rin sa Grupo A ang paglalabanan ng St. Clare (5-0) at Our Lady of Fatima (4-1) sa 1:00 p.m.