Pag-uulyanin at makakalimutin — ito ang madalas kinakaharap ng mga taong edad 60 pataas. Hindi na ganu’n katalas ang kanilang memorya o alaala dahil sa natural na pagtanda. Pero, matatanda lang ba ang madalas makalimot?
Inalala ng karamihan ang ika-47 anibersaryo ng pagdeklara sa Martial Law ng diktaduryang Marcos noong ika-21 ng Setyembre 1972. Sadyang kaybilis ng paglipas ng panahon. Ako ay 17-anyos noon, pero sa kabila ng pagiging bata, mulat ang aking kamalayan sa mga nagaganap noong panahong ‘yun.
Kailanman ay hindi mabubura sa ating alaala ang mga panlilinlang at pananakot; pag-aresto sa mga aktibista; pagkawala (disappearances) ng mga aktibista at komunista; hindi mabilang na kaso ng pangsa-salvage; pag-agaw at pagkamkam sa mga institusyon; curfew na alas-10: 00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga; nagkalat sa lansangan na militarisasyon, pulis at sundalo; mahigpit na pagkontrol sa media; tagong pagnanakaw ng pondo ng estado at lihim na paglabas at pagdeposito nito sa mga bangko sa Europa, Amerika at Asia at paglaganap ng takot dahil sa nagkalat na panganib sa lipunan.
Madaling balikan ang mga alaala dahil hayagan o tuwiran nating naranasan ang marami sa mga nabanggit. Masasabi nating mapanganib na mawala ang kritikal na kamalayan noong panahong ‘yun dahil kapag nawala ito, madali na lang tanggapin ang mga naririnig, nababasa at napapanood. Paano kung kontrolado ng estado ang lahat? Paano kung lahat ng propaganda ay pabor sa pamahalaan at sistematikong ikinukubli ang mga kapalpakan at maling ginagawa nito?
Malaki ang pagkakatulad ng Martial Law sa kasalukuyang panahon. Malinaw na pilit pinapatay at pinahihina ang kritikal na kamalayan ng tao. Gayunman, salamat sa mga Iskolar ng Bayan na patuloy na nagpapanday ng kritikal na kamalayan, ang patuloy na pagbalik-tanaw sa kasaysayan at masugid na pagsusuri ng kasalukuyang panahon.
Bagama’t, karamihan ay millennials, hindi nangangahulugang hindi mahalaga sa inyo ang kasaysayan. Wala sa edad, kasarian, estado sa buhay at relihiyon ang pagkakaroon ng kritikal na kamalayan. Ito ang gamot sa pagkalimot, walang tigil at walang sawang pagbalik hindi lang sa masaya at matagumpay na yugto ng kasaysayan kundi sa madidilim, malulungkot at lubhang nakakatakot na bahagi nito.
Likas sa matatanda ang pagiging makakalimutin pero, paano kung merong gumagamit ng salapi at makinarya upang lituhin at patahimikin ang marami? Tila marami nang dinapuan ng “historical, cultural at political dementia at Alzheimer’s”. Ang mapait na kasaysayan ay parang polio na muling bumalik sa ating bansa makalipas ang ilang taon.
Bakit bumalik ang polio? Bakit bumalik ang mala-Marcos, mala-Martial Law na politika sa ating bansa? Bakit kumakalat ang African Swine Flu (ASF)? Bakit palala nang palala ang trapik sa EDSA? Bakit napakaraming problema ngayon? Marahil, ito ay dahil sa humihina at kinikitil na kritikal na kamalayan.