Ronalyn Seminiano / Showbiz Trends

Nahuli sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Poblacion, Makati noong Miyerkules (Sept. 18) ng gabi ang sikat na rapper na si Marlon Peroramas, a.k.a Loonie kasama ang kapatid nitong babae, road manager, driver at isa pa kung saan nakumpiska ng Makati City police ang 15 sachets ng hinihinalang high-grade marijuana na nagkakahalagang P100,000 at mobile phones.
Samantala, mariing itinanggi ng FlipTop battle rapper ang mga paratang ng kapulisan.
“Hindi totoo lahat ng paratang sa akin. Hindi po sa amin ‘yan. Ang cellphone ko po riyan, ‘yung isa. ‘Yang maliit, hindi po ‘yan sa akin. ‘Yang pera, saka lahat ng nasa sachet, hindi po sa akin ‘yan,” sabi ng 33 years old na si Loonie.
Ayon pa sa rapper, nagpunta lang siya sa lugar na pinangyarihan ng buy-bust operation para bisitahin ang isang batang may cancer.
Aniya, “Pumunta po kami dito para sa batang may cancer. Nanggaling pa po ako sa radio interview kanina. Dumiretso ako dito at bigla na lang ganu’n.”
Ayon naman kay Makati City Police Chief Rogelio Simon, tumugma ang lahat ng natanggap nilang impormasyon sa alegasyong illegal activities ni Loonie.
“Tumutugma ito sa lahat ng impormasyon na ibinigay ng ating informant na karamihan ng mga activities niya ay ginagawa dito sa Makati.”
Ayon kay Chief Simon, mahigit isang buwan na rin nilang sinu-surveillance ang rapper bago nagsagawa ng operation.
“Isinasabay niya ang pagdi-distribute ng ganitong klase ng kontrabando. Itong high-grade na marijuana na ito,” dagdag pa ni Pol. Chief Simon.
Kumalat ang video ng pag-aresto kay Loonie kung saan makikitang pinangangaralan ng kapulisan ang rapper. Makikita ring nagpapaliwanag si Loonie pero ayon sa kapulisan, sa pagmamanman nila sa rapper ay hindi na ‘to maaari pang mag-deny.
Sinabi rin ng pulis na, “Puro ka deny nang deny… Nandiyan na nga, eh. Ang daming CCTV, ang daming camera, ang daming pag-uusap.
“Ang daming nag-a-idolize nga sa ‘yo, eh. Idol kita, pero noong nalaman ko, wala. Galit na rin ako sa ‘yo,” dagdag pa nito.
Nahaharap ang 5 sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 or Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.