
Makalipas ang 19 taon mula nang ideklarang polio free ang Pilipinas, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may naitalang kauna-unahang kaso ng polio sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang unang kaso ng polio virus na ito ay naitala sa Lanao del Sur kung saan ang tinamaan ng sakit ay isang tatlong taong gulang na bata.
Ang nasabing bata ay nasa bahay na umano at nagpapagaling pero, nakaranas na ito ng residual paralysis.
Nakumpirma ang kaso ng polio nitong Setyembre 14 lang matapos lumabas ang resulta ng pagsusuri mula sa RITM, Estados Unidos at Japan pero, nai-report ito noon pang Hunyo.
Ang nasabing bata ay hindi umano nababakunahan kontra polio mula nang ito ay isilang.
Sinabi ni Dr. Rabindra Abeyasinghe ng World Health Organization na ang Type 2 polio virus na nakita sa tatlong taong gulang na bata sa Lanao del Sur ay nawala na sa sirkulasyon sa loob ng maraming taon.
Inihayag ni Duque na may isa pang kaso ng acute flaccid paralysis silang sinusuri ngayon at naghihintay lang ng kumpirmasyon pero, ayaw muna nilang magbigay ng karagdagang detalye hinggil dito.
Kaya apela ng DOH sa publiko lalo sa mga magulang na ang anak ay nasa edad lima pababa ay pabakunahan na kontra polio.
Napakaimportante rin ng paghuhugas ng mabuti mga kamay lalo na kung galing sa kubeta dahil ang polio virus ay nakukuha mula sa dumi ng tao.
Dahil dito, ayon sa DOH, maituturing nang may outbreak ng polio sa bansa.
Samantala, kinumpirma rin ni Duque na may nakitang polio virus sa sample ng tubig mula sa sewage sa Maynila at Davao City na nakita matapos ang regular na environmental surveillance.
Kabilang sa sintomas ng polio ay kahalintulad ng sa flu, LBM, fatigue, pagsusuka, pananakit ng likod ng leeg, pananakit ng binti at sa ibang kaso ay nauuwi na sa pagkaparalisa.
Bagama’t, maaaring mauwi sa kamatayan ang polio, isang porsiyento lang naman ang posibilidad nito, ayon kay Duque.