top of page
Search

Stress, depresyon at sobrang pagkabusog sa gabi, mga sanhi ng insomnia

Dr. Shane Ludovice, M.D.

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Mayroon akong insomnia at dahil hirap akong matulog, umiinom ako ng mga dietary supplement na may melatonin at chamomile, pero ayokong masanay na palaging may itine-take kaya inihinto ko na. Ano ang dahilan ng insomnia at ano ang mainam gawin para rito? — Fina

Sagot

Insomnia ang tawag sa sakit kung saan nakararanas ang indibidwal ng hirap sa pagtulog o madaling maalimpungatan sa kalagitnaan ng pagtulog. Ito ay maaaring panandalian lamang na tumatagal ng ilang araw hanggang ilang linggo o pangmatagalan na umaabot ng isang buwan o higit pa.

Narito ang ilan sa mga dahilan ng hirap sa pagtulog o insomnia:

  • Matinding stress

  • Distraction sa malakas na ingay, liwanag at matinding init o lamig

  • Pagbabago sa nakasanayang oras ng pagtulog

  • Depresyon

  • Anxiety

  • Sobrang pagkain sa gabi

  • Side-effect ng iniinom na gamot

  • Matagal na biyahe o jet lag

  • Madalas na pagkonsumo ng mga inuming may caffeine at alcohol

Sino ang maaaring magkaroon ng insomnia?

Walang pinipiling edad o kasarian ang pagkakaroon ng insomnia, pero ayon sa pag-aaral, mas mataas ang tsansa nito sa kababaihan. Ito ay maaaring konektado sa kanilang pagbubuntis o sa pagsapit ng menopausal period.

Mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng insomnia kapag tumungtong sa edad na 60 pataas.

Ano ang gamot sa insomnia?

Kapag natukoy ang sanhi ng insomnia, maaaring may baguhin sa sleeping habits sapagkat posibleng ito ang dahilan ng hirap sa pagtulog.

Gayunman, bagama’t makatutulong ang sleeping pills sa pagpapahimbing ng tulog, hindi ang pag-inom nito ang pangunahing solusyon. Tandaan, na ang sleeping pills ay maaaring makapagdulot ng ibang epekto sa katawan tulad ng problema sa pag-ihi at iba pa.

Makabubuti kung magpapakonsulta sa doktor upang marekomendahan ng behavioral therapy na makatutulong sa pagtulog. Layunin ng therapy na ituro sa pasyente ang mga tamang sleeping habits o ang mga dapat at hindi dapat gawin bago matulog. May ilang relaxation therapy din na makatutulong sa mas mahaba at malalim sa tulog.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page