Dear Doc. Shane,
Mahilig akong maglaro ng basketball kapag walang ginagawa. Lately, nagkaroon ako ng hadhad sa singit. Makati ito lalo na kapag pinagpapawisan ako. Gusto kong malaman kung meron bang cream o ointment para rito? — John
Sagot
Ang hadhad o jock itch ay sakit sa balat na matatagpuan sa singit at karaniwang nararanasan ng indibidwal na mayroong aktibong pamumuhay tulad ng paglalaro ng sports at iba pang larong pisikal. Ang taong may hadhad ay nakararanas ng matinding pangangati sa bahagi ng singit kung saan kapag napabayaan, ito ay maaaring kumalat sa ari, sa puwit at hanggang sa mga hita.
Ano ang sanhi ng hadhad?
Ito ay impeksiyon sa balat ng singit na dulot ng fungi na nakukuha sa maruming kasuotan at kapaligiran. Dahil katangian ng mga fungi ang mamayagpag sa lugar na mamasa-masa at mainit-init tulad ng singit, lalo na kapag pinagpapawisan, ang mga taong aktibo sa sports at iba pang gawain na kadalasan nagpapawis ang madalas na nagkakaroon nito. Ang hadhad ay nakahahawa kung direktang madidikit sa apektadong bahagi ng katawan o sa paggamit ng damit, kumot o tuwalya na nagamit na ng taong may hadhad.
Ano ang gamot sa hadhad?
Dahil ang sanhi ng hadhad ay fungus, ang mga antifungal cream tulad ng ketaconazole o terbinafine ay epektibo para rito. Ito ay ipinapahid sa apektadong bahagi sa loob ng lima hanggang 10 araw. Dahil ang hadhad ay kumakalat sa basang bahagi ng katawan, panatilihing malinis, tuyo at maaliwalas ang singit sa pamamagitan ng pagligo, araw-araw, madalas na pagpapalit ng damit at pagsusuot ng maluwang na damit.
Sa wastong gamutan gamit ang antifungal cream, ilang araw lamang ay makakakita na ng pagbabago at mag-uumpisa nang mawala ang hadhad. Maaaring abutin ng 1 hanggang 2 linggo bago tuluyang mawala ang hadhad. Pero, kung ito ay hindi pa rin nawawala sa kabila ng paggamit ng cream, makabubuti kung magpakonsulta agad sa dermatologist upang mabigyan ng karagdagang gamot at iba pang solusyon ang inyong karamdaman.