
Madalas nating ginagamit ang mayonnaise na palaman sa sandwich, dipping sauce at panghalo sa salad, pero alam n’yo bang hindi lang ‘yan ang puwede nating paggamitan nito? Keri rin nitong mag-work na pampabyuti, kaya sa mga gustong magpaganda, pero walang budget, narito ang ilang do-it-yourself (DIY) beauty treatments gamit ang mayonnaise:
1. HAIR CONDITIONER. Ang mayonnaise ay puwedeng maging alternatibong hair conditioner, ibabad lamang ang mayonnaise sa buhok nang ilang minuto pagkatapos mag-shampoo. Ito ay may natural na sangkap kung saan malaki ang maitutulong para ma-moisturize ang buhok.
2. PANG-FACIAL. Hindi na kailangan gumastos para pumunta sa derma clinic dahil kayang maging instant ‘soothing facial’ ng mayonnaise. Ito ay dahil ang egg yolk kung saan gawa ito ay mabisang pampakinis at pampalambot ng balat. Maglagay lamang ng sapat na dami sa mukha, i-massage ito at ibabad nang 20 minuto at pagkatapos ay banlawan ng malamig na tubig at ‘yun na!
3. PAMPATIBAY NG MGA KUKO. Kung gusto nating ma-achieve ang maganda at matibay na tubo ng mga kuko, kaya natin itong magawa gamit ang mayonnaise. Sa loob ng limang minuto, ibabad ang mga kuko sa mayonnaise at pagkatapos ay banlawan ng maligamgam na tubig.
4. PANG-RELIEVE NG SUNBURN. Dahil natural na nakakapag-moisturize ng balat ang mayonnaise, puwede rin itong pang-relieve ng sunburn. Maglagay lamang ng isa hanggang dalawang kutsarita nito sa apektadong bahagi ng balat saka ibabad nang lima hanggang 10 minuto bago banlawan. Pero, tandaan na kapag malala ang skin damage, makabubuti kung lalagyan pa rin ito ng karaniwang ointment o cream na para sa sunburn.
5. PAMATAY NG KUTO. Alam n’yo ba na ang mayonnaise ay solusyon din sa dyaheng kuto? Inirerekomenda ng maraming dermatologist ang paggamit ng mayonnaise upang patayin at alisin ang mga kuto ng mga bata sa halip na gumamit ng mga kemikal o over-the-counter na gamot na posibleng may hindi magandang epekto. I-massage lamang ang katamtamang dami nito sa buhok at anit, magsuot ng shower cap at ibabad ito ng overnight.
Kinabukasan, gumamit ng mild o baby shampoo na pambanlaw at kapag natuyo na ang buhok ay saka suklayin gamit ang suyod. Gawin ito sa loob ng pito hanggang 10 araw para mas epektibo.
Sabi nila, hangga’t kaya ng alternatibo, subukan mo muna. Wala namang masama kung ita-try natin ang ilang DIY gamit ang mayonnaise dahil kung epektibo good, pero kung wa’ epek, oks lang dahil ang presyo nito ay hindi naman masakit sa bulsa.
Gets mo?