Alam ng karamihan sa atin na ang exposure sa mataas na antas ng polusyon sa hangin ay nagdudulot ng respiratory infection, sakit sa puso, stroke, kanser sa baga, dementia at Alzheimer’s disease. Pero, base sa mga bagong pag-aaral, ang polusyon sa hangin ay hindi lamang nakaaapekto sa kalusugan kundi maging sa pag-uugali natin. Sey ng experts, maaari itong maging sanhi ng pagkabayolente ng mga tao.
Base sa pag-aaral na isinagawa sa 9,360 siyudad sa US, napag-alaman na tumataas ang krimen dahil sa polusyon sa hangin. Nati-trigger umano ng polluted air ang anxiety ng indibidwal na nagreresulta sa pagtaas ng unethical behavior.
Gayundin, may isa pang pag-aaral sa UK na sumusuporta rito. Ikinumpara ng mga researcher ang data ng 1.8 milyong krimen at pollution data ng London sa loob ng dalawang taon. Kabilang sa inanalisa ng mga researcher ang temperature, humidity at rainfall, gayundin ang bawat araw at iba’t ibang season.
Ang air quality index o AQI ang nagsasabi kung gaano kalinis o karumi ang hangin kada araw. Napag-alaman ng mga researcher na kapag tumaas sa 10-point ang AQI, tumataas din ang crime rate nang .9%.
Gayunman, ang antas ng krimen sa London ay mas mataas sa mga araw na mataas din ang polusyon.
Ang mga resultang ito ay may kaugnayan sa pagtaas ng krimen tulad ng shoplifting at pandurukot. At maaari umano itong dumami at mauwi sa mas seryosong krimen kung patuloy na tataas ang antas ng polusyon.
Ito ay dahil ayon sa mga eksperto, nakaiimpluwensiya rin sa ugali ng indibidwal ang lipunang ginagalawan nito.
Halimbawa nito ang ‘broken window theory’.
Isa itong criminological theory kung saan kapag nakikita umano ng mga tao ang senyales ng krimen, anti-social behavior at civil disorder, nahihikayat ang mga ito na maging bayolente at gumawa ng krimen.
Samantala, ayon sa World Health Organization (WHO), siyam sa bawat sampu katao sa buong mundo ang nakalalanghap ng toxic na hangin.
Bagama’t, marami nang patunay na ang maruming hangin ay nakasasama sa ating physical at mental health, lahat tayo ay may dapat gawin para masiguradong malinis ang hangin na nalalanghap natin.
Kabilang na rito ang paglalakad sa halip na gumamit ng sasakyan kung malapit lang naman ang pupuntahan, hindi paninigarilyo at marami pang iba.
Mga besh, para hindi na tumaas pa ang bilang ng krimen, make sure na gagawa tayo ng paraan para hindi tumaas ang antas ng polusyon, ha? Copy?