No Problem
KAPAG mga bata pa tayo, nae-excite pa sa paglilipat ng bahay dahil bagong environment ito para sa atin. Pero kapag medyo tumatanda na tayo, hindi na ito exciting. Agree?
Ito ay dahil sa nakai-stress na paghahanda ng kagamitan bago umalis at pag-a-unpack at pagliligpit ng mga kalat pagdating sa bagong bahay. Kaloka, ‘di ba?
Mga besh, para hindi masyadong makalat at nakaka-stress, narito ang ilang eco-friendly tips sa paglilipat ng bahay:
1. MAG-DONATE. Ang pagbabawas ng kagamitan bago lumipat ng bahay ay magandang ideya, pero madalas na napupunta sa basurahan ang mga gamit na may pakinabang pa para sa iba. Sa halip na idiretso ito sa basurahan, bakit hindi natin ito ipamigay? ‘Ika nga nila, a man’s trash is another man’s treasure.
2. GUMAMIT NG ECO-FRIENDLY PACKAGING. For sure, ayaw nating masira ang mga gamit natin habang naglilipat kaya gumagamit tayo ng bubble wrap bago isalansan ang mga gamit. Siguradong hindi na natin mare-reuse ang mga plastic na ito kaya sa halip na gumamit ng bubble wrap, lumang diyaryo o scratch paper na lang ang gamitin natin.
3. HUWAG GUMAMIT NG MGA DISPOSABLE. Bago tuluyang mag-move out, kailangan nating maglinis ng bahay, pero this time, pass muna sa mga usual cleaning products na ginagamit natin. Halimbawa nito ang disposable cloth dahil nakadaragdag ito sa mga basura. Gayundin, hindi nakatutulong sa paligid ang kemikal na mayroon ito. Dahil dito, inirerekomenda natin ang paggawa ng basahan gamit ang mga pinaglumaang damit.
4. UBUSIN ANG LAMAN NG REF. Marami sa atin ang hindi na nagdadala ng mga leftover o hindi nakonsumong pagkain sa bagong bahay. Oks lang naman ‘yun, pero dapat maubos ang pagkain dahil kinonsumo ito at hindi basta itinapon lang. Ilang linggo o araw bago lumipat ng bahay, make sure na planado n’yo na kung paano uubusin ang laman ng ref. Okie?
5. PAG-ISIPAN KUNG PAANO MAGHAHAKOT. Kung ilang hakbang lang ang pagitan ng aalisan at lilipatan ninyo, hindi n’yo ito problema. Pero, kung kailangan ninyong bumiyahe, siguraduhin ninyong hindi masasayang ang oras, pagod at gas ninyo sa paglilipat ng mga gamit. Kung medyo malayo ang lilipatan, oks din na magrenta ng van o truck. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagpapabalik-balik sa lumang bahay at lilipatan, gayundin, tipid sa energy at gas.
Sa paglilipat ng bahay, hindi lamang ang mga gamit at lilipatan natin ang dapat nating ihanda. Kasabay nito, dapat din nating siguraduhin na hindi naaapektuhan ng paglilipat natin ang ating paligid kapag nag-iwan tayo ng mga kalat. Copy?