MARAMING relasyon na ang nauwi sa hiwalayan dahil sa mga hindi kinakayang problema. Pero, ‘ika nga nila, ang paghihiwalay ay hindi solusyon kaya mahirap man, dapat natin itong solusyunan sa tamang paraan.
Gayunman, hindi porke may pinagdaraanan, eh, magkakaroon na kayo ng kani-kanyang mundo. Kaya mga besh, narito ang ilang tips para manatiling konektado sa inyong partner kahit kayo ay may pinagdaraanan:
1. MAKINIG SA ISA’T ISA. Kapag may pinagdaraanan kayo ng partner mo, hindi maganda na puro kayo salita at walang pinakikinggan. Para manatiling konektado sa isa’t isa, dapat kayong maglaan ng oras para pakinggan ang opinyon ng bawat isa. ‘Yung tipong isasantabi n’yo lahat ng galit, sumbatan at distractions para makapag-focus at malaman n’yo ang gustong sabihin ng bawat panig. Paraan din ito ng pagrespeto sa opinyon ng iyong partner.
2. HARAPIN ANG PROBLEMA NANG MAGKASAMA. Ang problema sa karamihan, kapag may pinagdaraanan, naniniwala tayo na kalaban natin ang ating mga partner. Mga besh, mali ‘yun dahil dapat, harapin natin ang problema kasama ang ating partner. ‘Ika nga, mas madaling masosolb ang problema kung magkasama itong haharapin ng mag-partner.
3. BIGYAN NG ATENSIYON ANG SITWASYON. Habang lumalala ang sitwasyon, maraming naaapektuhan. Beshies, gaano man kalala ang inyong pinagdaraanan, ang pagbibigay ng atensiyon dito ay makatutulong. Paano? Ang pagpopokus sa sitwasyon at posibleng epekto nito sa relasyon ay makatutulong para mag-isip ng solusyon sa problema ang mag-partner.
4. MAGLAAN NG ORAS PARA MAG-USAP. ‘Ika nga nila, komunikasyon ang isa sa mga pinakamahalaga sa relasyon, lalo na kung may pinagdaraanan ang mag-partner. Hindi porke may hindi pagkakaintindihan, hindi na kayo mag-uusap dahil mga besh, ito ang panahon kung saan mas kailangan ninyong mag-usap dahil hindi malulutas ang problema n’yo kung mananatili kayong nagpapakiramdaman at nagpapataasan ng pride. Sey ng experts, mas mabuti nang mag-over communicate kaysa mag-under communicate. Copy?
5. GAMITIN ANG PAGKAKAIBA. Lahat ng tao ay may iba’t ibang personalidad at paraan ng pagre-react, pag-approach at paglutas ng problema. Sa halip na maging frustrated kayo sa isa’t isa, gamitin ito bilang advantage. Halimbawa, ang isa sa inyo ay may strong personality habang ang isa ay wala. Don’t worry dahil puwede n’yo itong gamitin para mabalanse ang paglutas ng inyong pinagdaraanan.
Oh, mga besh, dehins n’yo kailangang malayo sa isa’t isa dahil kapag may pinagdaraanan kayo, dapat ninyo itong solusyunan nang magkasama.
Tulad ng nabanggit, hindi solusyon ang paghihiwalay kaya mga bro at sis, make sure to stay connected with each other gamit ang ilang tips na ito. Copy?