LIMANG college students ang sugatan makaraan mabangga ng rumaragasang kotse na minamaneho ng Nigerian at binangga rin nito ang nakaparadang motorsiklo, kahapon sa Las Piñas City.
May mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ginagamot sa Las Piñas Doctors Hospital ang mga biktimang sina Michelle Diaz, Mae Zosimo, Warren Malanan, John Christian Martine at Rizza Enriquez, pawag mga nasa hustong gulang, 1st year college sa Dr. Felimon Aguilar Industrial Technology.
Nasa Las Piñas City Traffic Bureau naman ang driver na si Jeorge Ouli, 41, Nigerian national, nahaharap sa kaukulang kaso.
Alas-11:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa panulukan ng Dhalia at Everlasting Sts., Bgy. Pamlona 3.
Naglalakad ang mga biktima nang hindi nila namalayan ang humaharurot na Honda Civic (URC 518) na minamaneho ng nasabing dayuhan.
Hindi umano nito nakontrol ang preno hanggang sa mahagip ang limang estudyante at nasalpok din nito ang nakaparadang motor na pag-aari ni Jurjen Michael Belarmino.
Nagbigay naman ng tulong sa mga biktima ang tanggapan ni Las Piñas City Vice-Mayor April Aguilar.