top of page

Sobrang pag-iri at pag-upo nang matagal sa inidoro, nakaka-almoranas

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Sep 6, 2019
  • 2 min read

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Pahirap sa araw-araw kong gawain ang aking almoranas na madalas dumuru­go kapag nagko-constipate ako. Kumaka­in ako ng papaya kasi ito raw ay makatutu­long sa problema ko. Gusto kong malaman kung may gamot ba na dapat inumin para mawala ito? —Susan

Sagot

Ang almoranas o hemorrhoids ay nama­magang mga ugat sa palibot ng butas ng puwit. Ayon sa pag-aaral, karamihan sa mga taong may edad 50 pataas ang may sakit na almoranas.

Bagama’t, ang almo­ra­nas ay napakasakit, hindi naman ito naka­ma­matay at kadalasang nawawala kahit hindi gamutin. Kung palaging sumusumpong ang al­mo­ranas, baka magka­roon ng mga sintomas ng anemia tulad ng panghihina at pamu­mutla ng balat dulot ng pagkawala ng dugo.

Ang sanhi ng al­mo­ra­nas ay hindi pa lubusang natutukla­san, pero narito ang ilang salik na maaa­ring magpalala ng almoranas:

  • Labis na pag-iri kapag nagbabawas

  • Pagkakaroon ng pangmatagalang kahira­pan sa pagdumi

  • Pag-upo sa inidoro nang matagal na pana­hon.

Kung ikaw ay buntis, malamang na magka­ro­on ka ng almoranas. Kapag ang bahay-bata ay lumaki, itinutulak nito ang mga ugat sa colon kaya ito ay lumalaki na parang bukol sa puwit.

Ang paggamot sa almoranas ay maaaring isagawa sa bahay o sa klinika.

Para mabawasan ang pananakit, maaa­ring ibabad ang iyong puwit sa palangganang may maligamgam na tubig sa loob ng 10 minuto. Maaari ring maglagay ng maligam­gam na tubig sa bote upang gawing hot compress.

Gayunman, kung nakaaabala na ang al­moranas sa iyong pang-araw-araw na gawain, makabubuti kung mag­punta na sa doktor upang madali itong ma­eksamin at maresetahan ng kaukulang gamot tulad ng suppository, ointment o cream para mawala ang sakit at pangangati nito.

Maaari ring isama sa paggamot sa almoranas ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Ang pagkain ng ganitong mga pagkain ay maaaring makabawas sa panganib na magkaroon ulit ng almoranas sa hina­harap. Makatutu­long ito upang malinis ang bituka, palalambutin din nito ang iyong dumi kaya madali itong mailalabas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page