
Dear Doc. Shane,
Madalas iniinda ng tatay ko ang pagsakit at tila panlalamig daw ng kanyang mga binti. Nagpa-check-up siya sa center, sinabi raw na baka peripheral artery disease ito. Delikado ba ‘yun? — Cynthia
Sagot
Ang Peripheral Arterial Disease (PAD) ay kondisyon kung saan ang mga ugat o daluyan ng dugo sa paa ay puwedeng mabarahan ng taba kung may diabetes. Dahil dito ay kumikipot ang mga ugat at nagkukulang ang daloy ng dugo sa mga paa at binti kaya ito ay sumasakit. Kapag kulang ang dugong dumadaloy sa mga paa at binti, kulang din ang oxygen na nakararating sa mga muscle.

Ano ang sintomas ng PAD?
namumulikat o madaling mapagod ang mga binti sa paglalakad
namamanhid o nanlalamig ang mga paa o binti
matagal maghilom ang mga sugat sa paa
tuyo, nagbabalat o cracked ang balat sa mga paa
madalas na pagsakit ng mga daliri sa paa
Isa sa bawat tatlong tao na edad 50 pataas na may diabetes ay may PAD. Puwedeng sukatin ng doktor ang blood pressure sa mga binti at ikumpara ito sa blood pressure sa mga braso. Kung mas mababa ang blood pressure sa mga binti kumpara sa mga braso, puwedeng may PAD ang pasyente. Ibig sabihin, mas kaunti ang dumadaloy na dugo sa mga binti.
Kaugnay nito, kung may PAD ang pasyente, tumataas ang peligro na atakihin siya sa puso, ma-stroke o maputulan ng mga paa.