PATAY ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang sugatan ang tatlong sundalo sa panibagong engkuwentro sa Escalante, Negros Occidental, kamakalawa.
Base sa report, sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army at nasa 30 miyembro ng NPA sa bahagi ng Sitio Morino sa Bgy. Paitan.
Sinasabing nagpapatrulya sa nabanggit na lugar ang tropa ng pamahalaan nang maispatan ang mga kalaban.
Sa tala ng militar, nasa limang NPA fighters ang agad nasawi habang tatlong sundalo ang nasugatan.
Ayon kay 3rd Infantry Division Spokesperson Capt. Cenon Pancito, nasa mahigit 60 pamilya na naninirahan malapit sa combat zone ang inilikas sa takot na maipit sa bakbakan.
Pansamantalang nananatili ang mga bakwit sa Paitan Elementary School.