top of page
Search

P6 bilyong NFA rice, mabubulok na, ayaw pang ibenta

BULGAR

APAT na milyong sako o 290,000 tonelada ng impor­ted na bigas ang nasa bodega na hindi pa naibebenta. Ito ang inamin ng National Food Authority (NFA) sa kanilang pagharap sa Senado.

Ano kaya ang hinihintay na mangyari, ang kunwari mabubulok na saka isusubasta?

Sa kuwenta ng isang mambabatas, kung maibebenta ang apat na milyong sako na naglalaman ng 50 kilos bawat isa, sa halagang P27 kada kilo, kikita ang ahensiya ng mahigit P6 bilyon.

Ito rin ang dahilan kaya hindi nabibili ang palay at bigas ng ating mga magsasaka dahil tambak ang imported rice.

Nakalulungkot na tone-tonelada kung mag-angkat ng bigas habang ang mga local farmer ay mura o minsan, palugi na kung magbenta ay hindi pa rin nabibilhan.

Ngayong lumabas ang isyung ito ng pagkakatengga ng mga bigas sa bodega, sana naman ay hindi ito masundan ng iba pang kontro­bersiya.

‘Yung may magre-report na nabentahan ng bulok o LGU na bi­nebentahan ng P37 kada kilo, sino ang bibili sa ganitong presyo? Ang mga pinapaborang trader? Nagtatanong lang po!

Sana naman ay hindi na maulit ang mga pagkakamaling minsan nang napuna.

Lalo na ngayong sinasabing bago ang pamunuan ng NFA, patunayan nating bago na rin ang sistema. Huwag sanang masa­yang o mapakinabangan ng iilan ang tone-toneladang bigas na ito. Ibenta na ang mga ‘yan at nang maging pera.

Higit sa lahat, suportahan natin ang palay at bigas ng ating mga lokal na magsasaka. Bilhan natin sila sa presyong makatarungan at hindi palugi.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page