KAPAG ganitong tag-ulan, kasunod na ang pagbaha.
Marami na namang lugar ang lubog at apektado ang pamumuhay.
Tulad ng inaasahan, kasabay na lulutang ang problema sa basura.
Mga kalat na itinapon ng mga walang disiplina.
Kaya napapanahon ang panukalang tuluyang ipagbawal ang paggamit ng “single-use plastic” containers. Ito ‘yung mga disposable plastic, kabilang ang cellophane products na ginagamit bilang grocery bags, food packaging, water bottles, straws, stirrers, styros, cups, sachets, plastic cutlery at marami pang iba.
Bukod sa nagdudulot ng polusyon, ito rin ang mga bumabara sa mga daluyan ng tubig na ang resulta ay matinding pagbaha.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 40 o Single-Use Plastic Regulation and Management Act of 2019, ang mga food establishment, convenience store, supermarket at retailer ay obligadong sumunod sa pagbabawal sa paggamit ng single-use plastic.
Ang lalabag sa batas ay papatawan ng multa o business permit revocation habang ang mga susunod ay may incentives.
Batay pa sa pag-aaral, umaabot sa 164 million piraso ng sachets ang nagagamit araw-araw sa bansa. Ito ay mula sa mga produktong araw-araw din nating kailangan o ginagamit.
Kaugnay nito, hindi pa man tuluyang nagiging batas, aprub sa atin ang mga kumpanyang nagbabawas na ng plastic at naglulunsad ng mga refilling station.
At kung lahat ay makikiisa, masosolb din ang problema sa basura at baha.