![](https://static.wixstatic.com/media/5376bf_298f8d6f5d71428f84ce402869928a57~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_551,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/5376bf_298f8d6f5d71428f84ce402869928a57~mv2.jpg)
LIBRENG pag-aaral sa high school ang ipinangako ng pamahalaan habang mangangako ang mga kabataan at atleta na umiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Isa iyan sa naging opening speech ni Senador Bong Go sa magarbong pagbubukas ng Batang Pinoy National Finals sa Puerto Princesa, Palawan kahapon na nilahukan ng 6,000 atleta buhat sa 234 Local Government Units (LGUs) na ginanap sa Ramon V. Mitra Sports Complex.
Aniya, nag-file na siya ng bill na bubuo sa national academy na lalahukan ng high school students na pag-aaralin ng libre ng gobyerno. “Malaki ang maitutulong nito sa sports science upang tuloy tuloy ang development ng sports sa bansa at mailayo ang mga kabataan sa masamang bisyo.”
Hinimok din niya ang mga kabataan na huwag gumamit ng droga dahil sisirain nito ang kanilang isipan at kinabukasan. Pinangunahan din nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez, kasama ang kanyang apat na Commissioners na sina Ramon Fernandez, Celia Kiram, Charles Maxey at Arnold Agustin ang pagpapasinaya at pormal na pagbubukas ng pitong araw na kompetisyon.
Samantala, magkakaroon ng pagkakataon ang mga magwawagi sa Batang Pinoy na ipadala sa 7th Children of Asia Summer Games sa Agosto 15-25, 2020 sa Russia.
Ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) project director Guillermo Iroy na maaaring mabigyan ng tsansang katawanin ng pambansang koponan ang Pilipinas sa naturang international games. “The finest and the most commendable athlete’s in Batang Pinoy will have a chance to represent the national team to the Children of Asia Games,” wika ni Iroy.
Umaasa ang koponan ng Baguio na muli nilang maibubulsa ang national crown na tatagal hanggang Agosto 31. Halos papalo sa 260 atleta ang ipinadala ng City of Pines sa National Finals na tinitingnang mahigpit na makakatunggali ang Davao City, Iloilo City at Luzon rival Laguna para sa korona.