Dear Chief Acosta, Kumuha ng permit ang tatay ko para putulin ang puno ng niyog sa aming bakuran dahil may sakit na ang puno. Pero ang problema, pinakukuha pa raw siya ng Philippine Coconut Authority (PCA) ng sertipikasyon mula sa aming barangay na nagpapatunay na siya ay nagtanim ng puno ng niyog na kapalit sa kanyang puputulin. Tama ba ito? — Lila
Dear Lila, Para sa inyong kaalaman, ang inyong suliranin ay tinatalakay sa Republic Act No. 10593, amending Republic Act No. 8048 o ang “Coconut Preservation Act of 1995”. Nabanggit sa Section 2 ng nasabing batas na:
“Section 2. Section 5 of Republic Act No. 8048 is hereby amended to read as follows:
Section 5. Permit to Cut. – No coconut tree or trees shall be cut unless a permit therefore, upon due application being made, has been issued by the PCA pursuant to Section 6 of this Act.
xxx xxx xxx
No permit to cut shall be granted unless the applicant has secured from the barangay captain of the locality where the cutting will be done, a certification under oath that he/she has already planted the equivalent number of coconut trees applied for to be cut. xxx” (Binigyang-diin)
Malinaw sa nabanggit na probisyon ng batas na bago mabigyan ang aplikante ng permit upang makapagputol ng puno ng niyog ay kinakailangan muna niyang makakuha ng certification under oath mula sa barangay captain ng lokalidad kung saan siya magpuputol ng puno ng niyog na siya ay nagtanim ng mga puno ng niyog katumbas ng bilang ng kanyang mga puputulin.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.