Tulo, puwede ring makuha sa pakikipaghalikan
- Dr. Shane Ludovice, M.D.
- Aug 22, 2019
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
Minsan ay nagkatuwaan kami ng mga tropa ko na pumunta sa bar at kahit medyo ‘risky’, nakipagkilala at gumamit kami ng mga bayarang babae. Makalipas ang ilang araw, may kakaiba na akong nararamdaman sa aking ari na parang may nanang lumalabas dito at sobra akong nahihirapan sa pag-ihi. Natatakot ako na baka may STD ako. Ano ba ang dapat kong gawin? — Ismael
Sagot
Ang sexually-transmitted disease (STD) ay mga sakit na maaaring maihawa sa anumang uri ng pakikipagtalik o sexual contact. Dahil nakakahiyang pag-usapan, karamihan sa may STD ay inililihim at hindi ito ikinokonsulta. Ang nangyayari ay self-medication lamang subalit, hindi ito magandang gawin.

Huwag mahiyang magpa-test sapagkat ang mga doktor ay may prinsipyo ng “confidentiality” kung saan hindi kailanman maaaring ipagkalat ang anumang sasabihin mo sa kanila.
Gayunman, posibleng ang nararanasan mo ay ang tinatawag na “tulo”. Ang sanhi nito ay bacteria na neisseria gonorrhea. Ito ang pangkaraniwang tawag sa kondisyon kung saan may nanang tumutulo na nagmumula sa ari ng lalaki. Maaaring makaramdam ng kirot, hapdi o iba pang masakit na pakiramdam habang umiihi o kirot na nananatili sa ari.
Ano ang gamot sa tulo o gonorrhea?
Antibiotiko o antibiotics ang solusyon dito kung saan kinakailangang ipakonsulta sa doktor kung anong uri ng antibiotiko at gaano karami at gaano kadalas (dose and frequency) ang gamutan.
Ang tulo o gonorrhea ay maaaring may kasamang iba pang mga STD, lalo na sa mga taong may high risk behavior tulad ng pakikipagtalik sa mga prostitute, pakikipagtalik sa kapwa lalaki at iba pa. Kapag kabilang ka rito, makabubuti na magpa-test din sa doktor para sa iba pang STD tulad ng HIV/AIDS.
Paano ito maiiwasan?
Ang pinakamabuti pa ring gawin ay ang pagiging matapat sa asawa o pag-iwas sa pakikipagtalik (abstinence). Ang paggamit ng condom (safe sex) ay makaiiwas din sa tulo o gonorrhea ngunit, hindi ito 100% sigurado sapagkat maaari ring makuha ang gonorrhea sa pakikipaghalikan o sa oral sex.
Comments