'Balisawsaw', sintomas ng seryosong sakit
- BULGAR
- Aug 2, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Napansin ng amo ko na pabalik-balik daw ako sa C.R. para umihi. Siguro, iniisip niya, baka tumatakas ako sa trabaho. Pero sinabi ko sa kanya na madalas akong binabalisawsaw. Ano ba ang sanhi nito, gayung wala naman akong history ng UTI at paano ba ito maiiwasan? — Anne
Sagot
Ang balisawsaw ay karaniwang tumutukoy sa maya’t maya at mahirap na pag-ihi. Subalit, ang medikal na kondisyong ito ay tinatawag na “dysuria”, salitang medikal na ginagamit para ilarawan ang nararanasan ng mga pasyente na ‘hirap sa pag-ihi,’ samantalang, ang urinary frequency naman ay ginagamit upang ilarawan ang ‘madalas na pag-ihi’.
Ang balisawsaw ay kadalasang nangyayari sa kababaihan kumpara sa kalalakihan.
Ano ang sanhi ng balisawsaw?
Ang urinary tract infection o UTI ang isa sa pangunahing sanhi ng balisawsaw o hirap sa pag-ihi. Ang impeksiyong ito ay maaaring nasa alinman sa mga bahagi ng urinary tract tulad ng mga sumusunod:
Kidney (bato)
Ureter (mga tubo na daanan ng ihi mula sa bato hanggang sa pantog)
Bladder (pantog)
Urethra (tubo na daanan ng ihi mula sa pantog palabas ng katawan)
Narito ang ilan sa mga ‘risk factors’ o salik na maaaring magpataas ng posibilidad na magkaroon ng UTI:
Mayroong diabetes o history ng diabetes
Pagtanda
Bato sa bato (kidney stones)
Buntis
Paggamit ng catheter
Maliban sa masakit na pag-ihi, narito ang ilan sa mga sintomas ng UTI:
Lagnat
Mabaho o matapang na amoy ng ihi
Malabo o ihi na may kasamang dugo
Madalas na pag-ihi o pakiramdam ng masidhing kagustuhang umihi
Tandaan, ang balisawsaw ay maaaring sintomas ng seryosong sakit na kung mapababayaan, maaaring magdulot ng mga komplikasyon. Makabubuti kung magpapakonsulta sa doktor kung hindi na maganda ang nararamdaman.
Kung UTI ang sanhi ng balisawsaw, maaaring magbigay ang doktor ng antibiotics sa loob ng tatlo hanggang pitong araw. Pagkatapos, ang pasyente ay muling sasailalim sa urine test para malaman kung bumaba ang bacterial count sa ihi nito. Gayundin, may mga pagkakataong ang balisawsaw ay dulot ng biglaang pagbaba ng tubig at likido sa katawan dulot ng matinding init ng panahon at sobrang kapaguran.
Paano maiiwasan ang balisawsaw?
Sikaping magkaroon ng sapat na pahinga
Ugaliing uminom ng 8 hanggang 12 baso ng tubig, araw-araw
Iwasan ang madalas na pagkonsumo ng maaalat na pagkain
Ugaliing maglinis ng katawan
Comments