NIYANIG ng Magnitude 3.1 na lindol ang Antique, kahapon ng umaga.
Batay sa inilabas na impormasyon ng Phivolcs, namataan ang lindol sa 36 kilometers northwest ng Patnongon alas-10:18 ng umaga.
May lalim ang lindol na 2 kilometers at tectonic ang origin. Wala namang napaulat na pinsala sa mga ari-arian sa lugar at wala ring inaasahang aftershocks matapos ang pagyanig.
Samantala, halos 3,000 katao o 911 pamilya ang apektado ng magkakasunod na lindol sa Batanes, kamakalawa.
Ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), pumalo sa 2,963 katao ang labis na naapektuhan dahil sa serye ng pagyanig kaugnay sa naranasang lindol, partikular sa bayan ng Itbayat, Batanes kung saan nasa walo ang nasawi at ikinasugat ng nasa 60.
Ang mga apektadong pamilya ay mula sa limang barangay sa Itbayat at kasalukuyang nananatili sa inilitag na mga evacuation site sa plaza at public market sa Bgy. San Rafael.
Nasa 15 bahay, dalawang eskuwelahan at dalawang makasaysayang Simbahan ang nasira dahil sa lindol.
Patuloy naman ang pagdating ng relief goods para sa mga apektadong residente subalit, mas maraming tent ang kailangan dahil na rin sa rami ng mga inililikas doon.
Nagtulung-tulong na rin ang mga rescuer mula sa iba’t ibang ahensiya na lumipad patungong Itbayat para sa rescue efforts sa lugar.